MANILA, Philippines - Simula ngayong Oktubre 26, mapapanood na sa GMA News TV ang apat na dokumentaryong nagwagi sa katatapos lang na 1st Cine Totoo: Philippine International Documentary Festival.
Unang mapapanood ngayong Linggo ang obrang nanalo bilang Best Documentary at Audience Choice Award na Gusto Nang Umuwi ni Joy, ni Jan Tristan Pandy. Ito ay tungkol sa pakikipagsapalaran ni Joy na hindi lamang isa sa bawat 200,000 Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa United Kingdom - kundi isa rin siya sa mga tinatayang 1.1 million undocumented migrants mula sa iba’t-ibang bansa.
Tampok sa dokumentaryo ang mga pang araw-araw na gawain ni Joy pati na rin ang pakikipag-usap niya sa kanyang asawa at mga apo. Matutunghayan rin ang pakikibalita niya sa mga pangyayari sa Pilipinas at maging sa mga soap opera sa telebisyon. Bukod sa Best Documentary Prize, itinanghal rin ang Gusto Nang Umuwi ni Joy bilang Audience Choice Award winner na base sa boto mula sa mga nanonood sa Cine Totoo na ipinalabas sa Trinoma, SM Megamall, at SM Manila.
Ang Cine Totoo Special Jury Prize winner naman na Mananayaw ni Rafael Froilan ang siya namang mapapanood sa Nobyembre 2.
Samantalang ang Walang Rape sa Bontok ni Carla Samantha Ocampo at Kung Giunsa Pagbuhay ang Binisayang Chopsuey (How to make Visayan Chopsuey) by Charliebebs Gohetia, na parehong tumanggap ng Special Mention Certificates, ay ipalalabas sa Nobyembre 9 at Nobyembre 16.
Panoorin ang lahat ng mga nagwaging dokumentaryo mula sa 1st Cine Totoo Philippine International Documentary Festival simula ngayong Linggo (October 26), 9:30 p.m., sa nangungunang local news channel sa bansa, ang GMA News TV.