MANILA, Philippines - Kasabay ng pagdagsa ng milyun-milyong Pilipino sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay ngayong Undas, walang patid ang magiging hatid na serbisyo publiko ng Rescue5, ang Emergency Response Unit ng TV5.
Sinimulan ng Rescue5 ang pagbibigay serbisyo sa pamamagitan ng Aksyon sa Undas plugs sa TV5, Aksyon TV at Radyo Singko 92.3 News FM, kung saan ibinabahagi ang iba’t ibang mahahalagang tips para sa ligtas at mapayapang paggunita ng Undas. Kabilang sa Aksyon sa Undas plugs ang mga paalala sa mga dapat gawin bago umalis ng bahay para makaiwas sa sunog at mga magnanakaw, mga paalala kapag babiyahe sa mga probinsya, at pati na ang mga dapat tandaan kapag nasa loob ng sementeryo.
“Hindi lang kami maghahatid ng balita ngayong Undas. Nakahanda na rin kaming umalalay sa publiko sa pagpunta nila sa mga sementeryo. Bahagi ito ng aming misyon na ‘higit sa balita, Aksyon’,” paliwanag ng Public Service Head ng TV5 na si Sherryl Yao.
Mula October 30 hanggang November 1, magtatayo ang Rescue5 ng mga 24-hour first-aid station sa Manila North at South Cemeteries kung saan buong araw at magdamag silang aagapay sa mga pupunta sa sementeryo.
Magbibigay din ang Rescue5 ng iba’t ibang libreng serbisyo tulad ng wheelchair assistance para sa mga senior citizen at pagpapasuri ng blood pressure.
Magkakaroon din ng libreng tawag sa tulong ng Smart Communications, libreng charging ng cell phone sa pakikipagtulungan ng One Meralco Foundation, at mayroon ding libreng inuming tubig sa tulong ng Maynilad.
Para sa anumang emergency, tumawag sa Rescue5 hotline (02)-922-5155, mag-post sa Twitter account: @RESCUE5PH at Facebook page:www.facebook.com/RESCUE5PH.