MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng ika-75 taon o Diamond Jubilee celebration ng Quezon City, lumagda sa isang memorandum of agreement sina MTRCB Chairman Eugene “Toto” Villareal at QC Vice Mayor Joy Belmonte na pinapayagan ng MTRCB ang Q.C. Film Development Commission na pinamamahalaan ni VM Belmonte ang pagkakaroon ng QCinema International Film Festival.
“Dito po ay binibigyan namin ng pahintulot ang komisyon na makapagsagawa ang magsi-self--regulate o sila mismo ang susuri sa mga pelikula na ipalalabas sa festival ng Q.C. Ito ay kauna-unahan sa isang LGU na dahil nga ang MTRCB ay nasa Q.C.,” pahayag ni Villareal.
Binigyang diin naman ni Belmonte na dahil ang Q.C. ay kilala bilang City of Stars at child-friendly city, bibigyan ng buhay sa mga pelikulang sasali sa QCinema ang tungkol sa mga kabataan gayundin ng ibang mamamayan na kapupulutan ng mga aral at pakinabang sa pamumuhay ng bawat isa laluna ng mga taga-lunsod.
“Naniniwala po tayo na ang pagpapaunlad pa ng ating sining at kultura ay may malaking maitutulong sa pagpapayaman pa ng ating kalinangan at mentalidad na magagamit sa ating pamumuhay at ito po ay magbibigay ng pantay-pantay na pagkilala sa bawat mamamayan at magtataas sa antas ng ating lipunan,” pahayag pa ni Belmonte.
Sinabi rin ni Belmonte na gagawin nilang libre ang pagpapalabas ng mga pelikulang kasali sa film festival.
Ang film festival na tatampukan ng mga local at foreign filmmakers - baguhan at beterano - ay ipapalabas sa sinehan sa Trinoma Cinemas, Q.C. mula November 5 hanggang November 11.
Inanunsiyo rin dito na sa December 9 hanggang 14 naman ay ipalalabas din sa Trinoma ang mga pelikulang naka-focus sa LGBT na mula rin sa Pilipinas at ibang bansa.
Ang MOA signing ay dinaluhan ng mga opisyal ng MTRCB at ng Q.C. Film Development Commission.