Pumasyal kami last Tuesday sa shooting cum pictorial ng Metro Manila Film Festival (MMFF) movie na My Big Bossing’s Adventures, na pinagbibidahan ng mag-ama sa Eat Bulaga na sina Vic Sotto at Ryzza Mae Dizon na ginanap sa dating Unitel Studio in Makati City na dating pag-aari ng producer na si Tony Gloria. Dahil hapon na kami nakarating, hindi na namin inabutan doon ang bride-to-be na si Marian Rivera na isa sa mga leading lady ni Bossing (Vic Sotto) sa pelikula.
Tatlong box-office directors ang namamahala sa tatlong magkakaibang episode ng My Big Bossing’s Adventures. Sina Bb. Joyce Bernal, Tony Y. Reyes, at Marlon Rivera na siyang nagdirek ng My Little Bossings last year sa MMFF.
Since abala si Marian sa preparasyon ng kanilang nalalapit na pag-iisang-dibdib ni Dingdong Dantes on December 30, 2014, unang tinapos ang kanyang Taktak episode na dinirek ni Marlon. Pangalawa namang matatapos ang Prinsesa episode na pinamamahalaan naman ni Direk Joyce. Ang pangatlong episode ay ang Sirena na ididirek naman ni Direk Tony.
Sa tatlong episode, masasabing pinakamalaki ang Prinsesa episode ni Direk Joyce dahil kung costume at production value lamang ang pag-uusapan, ito ang pinaka-expensive.
Bukod kina Vic at Ryzza Mae, tampok sa Prinsesa episode ang next child superstar na si Alonzo Muhlach (in his biggest role so far), Niño Muhlach, Nikki Gil, Zoren Legaspi, Rufa Mae Quinto, Ruby Rodriguez at maraming iba pa.
Samantala, dumating sa pictorial ng My Big Bossing’s Adventures at the same time shooting ng Prinsesa episode ang OctoArts big boss na si Boss Orly Ilacad kasama ang kanyang bunsong anak na si Catherine Ilacad, ang may-ari ng Posh Nails. Hapon na nakarating sina Vic at Ryzza Mae na nanggaling pa ng Eat Bulaga.
Inamin ni Boss Orly na ang My Big Bossing’s Adventures ang pinakamalaking pelikula ni Vic Sotto.
“Every year naman ay mas lalo namin pinapaganda ang pelikula ni Vic dahil ito ang kanyang regalo sa mga bata at sa buong pamilya tuwing Christmas dahil isang beses lamang sa loob ng isang taon siya gumawa ng pelikula,” pahayag ni Boss Orly, ang long-time co-producer ni Vic Sotto sa kanyang M-Zet Films.