Nagluluksa ang fashion world dahil sa pagpanaw ng sikat na fashion designer na si Oscar de la Renta.
Sumakabilang-buhay si Oscar sa edad na 82 noong Lunes dahil sa kanser.
Favorite designer si de la Renta ng mga First Lady ng Amerika at siya ang gumawa ng wedding gown ni Amal Alamuddin nang ikasal ito sa Hollywood actor na si George Clooney noong nakaraang buwan.
Kasabay ng pagluluksa ng fashion world ang pagluluksa ni Lorna Tolentino dahil namatay kahapon ang kanyang pet dog na si Koochie.
Witness ako sa sobrang pagmamahal ni LT kay Koochie kaya feel ko rin ang sadness na nararamdaman niya.
Bumuhos ang pakikiramay sa mga naulila ni de la Renta at marami rin ang nakiramay kay LT dahil sa pagpanaw ni Koochie.
Parang nangyari kay Jessica pinay na nanalo sa X Factor Australia biglang dumami ang kamag-anak sa ‘Pinas
Si Marlisa Punzalan ang winner ng The X Factor Australia.
Pinay na Pinay ang kinse anyos na bagets na lumaki at nagkaisip sa Amerika.
At dahil sa tagumpay ni Marlisa sa Australia, dumami na ang kanyang mga kamag-anak sa Pilipinas. Nabulabog ang mga tao na may family name na Punzalan dahil sa mga suspetsa na kamag-anak nila ang protégée ni Ronan Keating.
What else is new? Ganyan din ang eksena nang sumikat si Jessica Sanchez nang sumali ito sa American Idol. Biglang lumitaw ang kanyang mga kamag-anak kuno at nag-imbento ng kuwento na nasaksihan nila ang paglaki ni Sanchez sa Bataan.
Supalpal ang mga imbentor at ang mga mahilig sumawsaw sa isyu nang sabihin ni Jessica na ipinanganak siya sa Amerika at pangarap niya na makarating sa Pilipinas, ang bansa na pinagmulan ng kanyang madir.
Biglang natameme ang mga gumawa ng kuwento dahil sa revelation ni Jessica na hindi pa ito nakakatungtong sa Philippine soil mula nang isilang siya sa U.S.
Meg ‘nabiktima’
Binigyan pala ni Meg Imperial ng iPad, datung, at sapatos ang pandesal vendor na biktima raw ng holdap nang magkita sila noong Linggo.
Ipinahanap ni Meg ang bagets nang mapanood niya ang video ng pandesal vendor na nanginginig ang buong katawan.
Araw ng Linggo nang magkaharap si Meg at ang bagets. Kinabukasan, Lunes, lumabas ang mga report na diumano, gawa-gawa lamang ng pandesal vendor ang kuwento ng holdap.
Ano kaya ang magiging pakiramdam ni Meg kapag nalaman nito ang kuwento at mapatunayan na nagsinungaling ang bagets?
Sana nga, hindi totoo ang mga haka-haka na nag-imbento ng kuwento ang pandesal vendor dahil parang naholdap din si Meg, in broad daylight.
Iniimbestigahan na ng Caloocan Police ang insidente kaya tiyak na malalaman natin sa mga susunod na araw kung “holdap me” ang nangyari sa bagets na nakatanggap ng maraming tulong mula sa mga tao na mapagkawanggawa at may mabubuting kalooban.