Ryzza Mae maraming iniwang sira sa tinirhang condo

Marami akong ipinaayos kahapon sa condominium unit ko na matagal na tinirhan ni Ryzza Mae Dizon at ng kanyang ina.

Napalagyan ko na ng double lock ang pinto, newly-upholstered na rin ang sofa na hindi ko talaga alam kung bakit nasira at iniisip ko pa na papalitan ang tiles sa living room at banyo.

Marami pa ang dapat ipaayos  sa condo unit na nagbigay ng katakut-takot na suwerte kay Aling Maliit.

Korina parang nakakuha ng Fountain of Youth

Gandang-ganda ako kay Korina Sanchez nang mapanood ko siya sa TV noong Miyerkules.

Pumayat si Mama Koring kaya seksing-seksi siya sa TV. To top it all, bagay na bagay sa kanya ang buhok na pinaigsian kaya nagmukhang bagets siya.

Type ko ang reinvention ni Mama Koring sa sarili dahil nagtagumpay siya. Magandang-maganda ngayon si Mama Koring as in parang na-discover niya ang fountain of youth.

BF ng pinaslang na transgender nilalait ang ‘Pinas

Hindi dapat pag-aksayahan ng panahon ng mga news program si Marc Suselbeck, ang German fiance ng transgender na pinatay sa Olongapo City ng isang US marine.

Nabasa ko ang mahaba na statement ni Suselbeck tungkol sa pagpaslang kay Jennifer Laude at hindi ko nagustuhan ang pang-ookray niya sa ating bansa ‘no!

Naiintindihan ko ang sama ng loob na nararamdaman ng the who na German dahil sa brutal na pagpatay sa kanyang dyowa pero hindi makatarungan ang panglalait niya sa ating bayan at pamahalaan.

Walang karapatan si Suselbeck na husgahan ang ating bansa at ang mga Pilipino. Ang mga katulad niya ang dapat na idinedeklara na persona non grata.

Ewan ko nga ba kung bakit pinag-aaksayahan siya ng panahon ng mga TV reporter? Hindi siya nakakatulong at makakatulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya ‘no!

Sandy naudlot sa Ilustrado

Kasama sana sa cast ng Ilustrado si Sandy Andolong pero hindi siya ­available noong pinaplano ang teleserye na tinatampukan ni Alden Richards bilang Dr. Jose Rizal.

Hindi ko na sasabihin ang role na iniaalok noon kay Sandy para hindi na magkaroon ng isyu sa aktres na ipinalit sa kanya.

Sayang nga dahil hindi umubra si Sandy dahil gandang-ganda ako sa trailer ng Ilustrado na mukhang maghahakot ng mga parangal sa susunod na taon.

Kylie ginawang morena

Nawala ang pagkamestisa ni Kylie Padilla sa Ilustrado dahil gi­na­wang kayumanggi ang kulay ng kanyang balat sa pamamagitan ng make-up.

Ginagampanan ni Kylie ang role ni Leonor Rivera, isa sa mga babae na nagkaroon ng kaugnayan sa ating National Hero.

Pinay na Pinay si Leonor kaya mula sa pagiging mestisa, naging morena si Kylie.

Tama nga ang kuwento ko na na-postpone ang presscon ng Dilim dahil may conflict ito sa press launch kahapon ng Ilustrado. Si Kylie ang bida sa Dilim, ang horror movie ng Regal Entertainment Inc. at siya ang love interest ni Alden sa Ilustrado.

Rayver nagpapasalamat kay mother

Nakita ko kahapon sa reception area ng Imperial Palace Suites ang prutas na ipinadala ni Rayver Cruz kay Mother Lily Monteverde, ang produ ng Dilim.

Hindi na siguro nakansela ni Rayver ang kanyang order kaya natuloy ang delivery kahapon ng mga prutas sa condo building na pag-aari ni Mother Lily.

Ang mga prutas na ipinadala ang paraan ng pasasalamat ni Rayver kay Mother Lily dahil siya ang pinili nito para maging lead actor ng Dilim.

Kung hindi si Rayver ang naging choice ni Mother, hindi niya makikilala at makakatrabaho ang kanyang future girlfriend na si Kylie.

Show comments