MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay sa pelikulang Lauriana na tumalakay sa pang-aabuso sa mga kababaihan at nagwagi ng maraming awards kasama na ang Best Actor kay Allen Dizon at Best Actress kay Bangs Garcia sa Pasado Awards at Best child performer kay Adrian Cabado sa Famas Awards, Graded A ng CEB, nagbabalik ang BG Productions International sa pelikulang Daluyong (Storm Surge), ang kasunod na proyekto ng Mel Chionglo/ Ricky Lee tandem.
“May tiwala ako sa winning team-up nina Mel Chionglo at Ricky Lee kaya sabi ko dapat sundan ang Lauriana. At nagustuhan ko ang kosepto ng Daluyong kasi matapang at malaman ang kuwento. May mga Pari akong kilala na may karelasyon, may anak at may mga pinagdaraanan pero sa kabila noon ay mabuti ang kanilang puso. Ang layunin ng BG Productions ay gumawa ng makabuluhang pelikula kaya swak na swak ang obra na ito nina Mel Chionglo at Ricky Lee,” pagmamalaki ng producer na si Baby Go.
Tunay na kontrobersyal ang tema ng pelikulang Daluyong dahil buhay pananampalataya at kahinaan ng mga pari ang tatalakayin nito. Paring nagkaanak at may karelasyon, paring mahilig uminom ng alak, at NPA supporter na healing priest na pinagduduhan ang kapangyarihang gumamot, paring napagbintangang nakapatay at bishop na may pinagdaraanan. Iba’t ibang kahinaan na pinagdaranan ng ordinaryong tao pero sa huli ay ipapakita ang tagumpay ng kanilang pananampalataya sa Diyos.
“Maselan at kontrobersyal ang tema pero napaka-religious ng pelikula. But we want to make sure na hindi siya preachy. Very subtle, complex, internal and yet visual. Habang sinasabayan mo ang journey ng mga tauhan at nanonood ka bilang audience ay para kang nagri-reflect sa sarili mong struggles bilang tao at kristiyano,” paliwanag ng batikang direktor na si Mel Chionglo.
Bida sa pelikula sina Allen Dizon na katatapos lang manalo ng International Best Actor sa 9th Harlem International Film Festival na ginanap sa New York para sa pelikulang Magkakabaung/The Coffin Maker at 2013 Young Critics Circle (YCC) Best Performer para sa pelikulang Bahay Bata na si Diana Zubiri. Isang young priest si Allen dito na pinadala sa malayong probinsya at sinundan ng babaing minahal at naanakan niya na gagampanan ni Diana. May krimen na magaganap sa probinsya at dun makikita ang sari-saring kabutihan at kasamaan, samu’t saring tukso at paglaban para sa pananampalataya sa Diyos.
Kasalukuyang tinatapos ng multi-awarded screenwriter na si Ricky Lee ang screenplay. Inaasahan na makukuha ang serbisyo ng mga award winning actors na sina Eddie Garcia, Tirso Cruz III, Ricky Davao, Chanda Romero para sa importanteng papel dito sa Daluyong.
Magsisimulang gumiling ang kamera ngayong Nobyembre. (DE)