Allen Dizon may tampo, best actor na nakuha sa New York hindi pinansin

PIK: Dahil sa pagkapanalo ni Daniel Matsunaga sa Pinoy Big Brother (PBB), lalong gumanda ang career niya at sunud-sunod ang mga endorsements nito.

Ang latest ay ang launching sa kanya bilang endorser ng San Marino Tuna Flakes na bagay sa mga health buff gaya ng Brapanese model/actor na ito.

Wala pa ring pagbabago kay Daniel at lalo pa itong bumait at naging mapagkumbaba.

Ang nagbago ay ang mga taong nakapaligid sa kanya, gaya nitong PA at stylist niya na basta na lang hinatak sa amin si Daniel habang nagsasalita pa ito sa interview namin sa naturang launch na ginanap sa Mercato, The Fort nung nakaraang Sabado.

Nagsasalita pa si Daniel tungkol sa pagpapa­kasal nina Heart Evangelista at Sen. Chiz Escudero, hinatak ito ng stylist niya dahil kailangan daw punasan ang pawis at i-retouch.

Sabi pa naman ni Daniel, willing siyang pumunta sa kasal ni Heart kung iimbitahan siya.

PAK: May konting sama ng loob si Allen Dizon sa ating mga Pinoy dahil sa hindi gaanong pinansin ang karangalang natanggap niya sa ibang bansa.

Nanalong Best Actor si Allen sa nakaraang 9th Harlem International Film Festival sa New York dahil sa magaling niyang pagganap sa pelikulang Magkakabaung. Pero hindi man lang ito nabigyan ng importansya sa ating bansa.

Aniya: “Siyempre gusto mo ring ma-appreciate ang magagandang ginawa mo ng mga kababayan mo.

“Medyo may konting disappointment lang, kasi at least bilang artista gusto ko rin namang ma-appreciate rin ng mga tao at ma-recognize nila ako na isa rin akong artista ng Pilipinas at kahit papano may nakuha rin akong awards na nakuha at meron pang international award.”

Pero nandiyan pa rin siyang umaasang mabibigyan din siya ng tamang recognition sa ating bansa.

Ang susunod na gagawin ni Allen ay isa ring mapangahas na pelikulang tumatalakay sa isang paring ipinadala sa isang malayong probinsya na kung saan merong babaeng naanakan na gagampanan ni Diana Zubiri, na pinamagatang Daluyong at ididirek ni Mel Chionglo.

BOOM: Kinumpirma ni Katrina Halili na wala na nga sila ni Kris Lawrence, pero okay naman daw sila bilang ama ng anak nilang si Katie.

Napagdesisyunan daw niyang makipaghiwalay na pero ayaw niyang sabihin ang dahilan.

Mas gusto raw niyang tahimik na lang, at gusto raw niyang magkaroon ng malaking pagbabago sa buhay niya.

Ayaw na rin daw niyang ma-involve muna kahit kanino, kaya hindi raw siya tatanggap ng mga manliligaw.

“Ayoko lang talaga muna ng boys. Career na lang muna, kasi parang nawawala ako sa sarili kapag may boys. Parang nawawala ‘yung drive ko sa work,” pakli ng Kapuso actress.

Wala na raw talaga siyang nararamdaman sa ama ng kanyang anak. Nandiyan daw ang love bilang friend.

Halos araw-araw ay nasa bahay naman daw si Kris para dalawin ang anak nila, at hanggang dun na lang daw ang relasyon nila. Pero pagdating sa financial support sa kanilang anak ay hindi na ito sinagot ni Katrina.

“Naku! Maiisyu na naman ako diyan, huwag na lang,” medyo alanganin niyang sagot.

Show comments