MANILA, Philippines - Isang espesyal na month-long Halloween presentation tampok ang mga nakakakilabot na kuwento ng mga kinikilalang personalidad sa showbiz ang mapapanood sa Tunay na Buhay simula ngayong Martes sa GMA7.
Kasama ang broadcast journalist na si Rhea Santos, tampok ngayong Martes sa True Celebrity Ghost Stories ang premyadong aktres na si Elizabeth Oropesa.
Kilala bilang isa sa mga magagaling na artista si Elizabeth Oropesa. Pero lingid sa kaalaman ng publiko, mayroon daw umanong third eye ang beteranang aktres. Mula pagkabata, nakakakita na raw siya ng mga ligaw na espiritu at kakaibang nilalang.
Ngayon, bukod sa mundo ng showbiz, pinasok na rin daw ni Elizabeth ang mundo ng kababalaghan bilang isang paranormal expert.
Abangan ang mga nakapangingilabot na karanasan ni Elizabeth Oropesa sa unang pagtatanghal ng True Celebrity Ghost Stories sa Tunay na Buhay pagkatapos ng May Queen sa GMA7.