Daisy Reyes dati lang nangongolekta ng kaning baboy pero ngayon mansion na ang bahay

MANILA, Philippines - Bago pa man maging modelo si Daisy Reyes, una siyang rumampa  sa kalsada para mangolekta ng kaning-baboy. Paglalabada naman ang trabaho ng kanyang ina habang siya ang nakatokang mag-igib ng tubig. Pero nag-iba ang kanyang buhay nang pasukin niya ang pagmomo­delo at pagsali sa mga beauty pageant.

Labing-dalawang taong-gulang pa lamang si Daisy ay natuto na siyang magsumikap sa buhay.  Palibhasa ay marunong kumanta kaya ginamit niya ang talentong ito para mag-perform sa entablado tuwing fiesta. Dahil kapos sa pera at walang pambili ng makeup, ang lapis na ginagamit niya sa eskuwelahan ang pinangkikilay ni Daisy tuwing sumasali sa mga paligsahan.

Labing-anim na taong gulang siya nang madiskubre sa isang palengke. Bumibili lang daw siya ng gulay noon nang may mag-alok sa kanya na sumali sa isang beauty contest. Sa kauna-unahang pageant na sinalihan niya ay nanalo si Daisy ng isang townhouse. Nagdire-diretso na ito hanggang sa manalo siya ng second- runner up sa Mutya ng Pilipinas noong 1995 at Binibining Pilipinas-World noong 1996. Mula sa pagiging beauty queen ay sumabak na rin sa pag- aartista at maging sa pulitika si Daisy.

Sa kasalukuyan ay apat na taon na siyang na­nu­nungkulan bilang konsehala sa Pateros. Da­hil sa kaniyang pagsusumikap at pagiging masigasig, nakapagpundar na rin si Daisy ng kanyang dream house. Bukod dito, abala rin siya sa kanyang negosyong salon at mga sabon. Maginhawa na raw ang buhay niya ngayon, malayo sa kanyang buhay noon.

Samahan ang award-winning journalist na si Kara David na libutin ang  bahay at balikan ang ku­wento ng tagumpay ni Daisy Reyes  sa Powerhouse nga­yong Miyerkules,  4:35 PM sa GMA-7. 

 

Show comments