PIK: Touched si James Blanco sa maayos na pagtanggap sa kanyang ng GMA-7 sa kanyang pagbabalik sa pinanggalingan niyang network.
Matagal din siyang nawala sa Kapuso network at malaki ang pasasalamat niya at binigyan daw siya ng magandang role sa Yagit na nagsimula na sa GMA afternoon prime kahapon.
PAK: Marami ang nagtataka kung bakit sobrang paborito raw itong si senior actress ng isang TV network kaya kabi-kabila ang trabaho niya.
Hindi talaga nawawalan ng trabaho si senior actress bukod sa isang celebrity talk show na hinu-host nito.
Maayos naman daw siyang makisama sa mga staff, pero marami namang mga artista na maayos ding makisama at mabait sila sa lahat, pero hindi naman nabibigyan ng importansya kagaya sa binibigay dito kay senior actress.
Ang isa pang ipinagtataka ng karamihan, iba raw ang attitude ni aktres sa set pero paborito pa rin siyang kinukuha ng production staff.
Minsan nga nagwala ang direktor ng soap na kung saan kabilang itong si aktres.
Isang beses daw sa taping nito, dumating itong si aktres para mag-rehearse naghintay pa sila ng isang oras bago ito lumabas ng dressing room.
Kaya nung nagpa-late uli ng labas si aktres, tumili na raw si Direk. Sabi niya: “’Pag sinabi ko “actors on the set, nasa set na kayo. Wala akong pakialam kahit nakahubad pa kayo, basta on the set kayo!”
Parang hindi raw affected si aktres dahil paborito pa rin siya ng staff. Kinukuha pa rin siya sa mga susunod na projects.
BOOM: Winithdraw ni Mary Christine Jolly ang kasong Anti-Violence Against Women and Children na isinampa niya laban kay Derek Ramsay.
Dapat ay summary na ng kaso kahapon nang humarap sila sa huling hearing nila sa tanggapan ni Asst. City Prosecutor Erwin Dimayacyac ng Makati Prosecutor’s Office, pero nag-submit sila ng Motion to Withdraw dahil may duda raw sila sa takbo ng kaso.
Sabi ni Mary: “We did get word that the judgement in Makati will not be fair. So, we want to file it in a venue that will give us justice.”
Nagulat ang legal counsel ni Derek na si Atty. Joji Alonzo dahil ang tagal daw nilang dininig sa piskalya, tapos iwi-withdraw lang daw pala, at ililipat ng venue.
Parang insulto naman daw ito sa prosecution, kaya sabi ni Atty. Joji, dapat ay umuwi na lang daw sila dahil nagsayang lang daw sila ng oras.
Pero nag-submit na sina Atty. Joji ng summary nila at in-oppose daw nila itong motion to withdraw na isinumite nina Mary Christine Jolly.