Isang palatandaan na wala na talagang masyadong interesado sa buhay ng isang sumikat na female personality ay ang hindi masyadong pagpipista ng mga reporters sa pinakahuling iskandalong kinapalooban niya.
Inirereklamo ngayon ng isang kababayan natin ang babaeng personalidad na nagkapangalan pero bumagsak din ang karera dahil sa kahambugan. Hiniram niya ang sasakyan ng lalaki, nangakong isosoli rin agad, pero napag-alaman ng hiniraman na isinangla pala niya ang kotse kaya gasgas na ang mga daliri nito sa kate-text sa aktres ay hindi pa rin maibalik-balik sa kanya ang sasakyan.
Maraming katwiran ang mayabang na female personality, kesyo meron lang daw siyang hinihintay na pera, pero nu’ng bandang huli ay nagdenay na sa ginawa niyang pagsasangla sa kotse.
Nagreklamo ang lalaki sa isang sikat na programa ng magkakapatid na palabang news anchors, pero sa halip na magpakumbaba at umamin sa kanyang kasalanan, hinamon pa ng female personality ang hiniraman niya ng sasakyan na magkita na lang sila sa Crame.
Pero ang nakapagtataka ay parang pinag-usapan lang nang maghapon ang kuwento, kinagabihan ay wala nang interesado, ayon sa mga miron ay wala na talagang ningning ang pangalan ng may kahambugang babaeng personalidad.
“Maraming nakakakita sa kanya na pagala-gala na lang na may kasamang bading, minsan nga, may nakakita pa sa kanya na pumapara ng taxi sa ulanan, ano na ba talaga ang nangyayari sa buhay ng babaeng ‘yun?” kuwento ng isang source.
Malinaw ang senaryo. Ang oportunidad na ipinahihiram ng kapalaran kapag hindi iningatan at inalagaan ay mabilis ding kumakawala sa mga kamay.
At ang hindi marunong tumanaw ng utang na loob sa mga taong naging dahilan ng kanyang tagumpay ay pinuputulan agad ng pakpak para hindi na makalipad.
Ang kayabangan, bow! Ubos!
Carl malakas ang charisma sa mga bakla
Sa tatlong nakaraang sultada na ng Wattpad Presents ay pinakagusto namin ang episode na Poser na pinagbidahan nina Chanel Morales at Akihiro Blanco na unang proyekto naman ni Sam Rodriguez na anak ng namayapang aktor na si Miguel Rodriguez.
Napapanahon kasi ang kuwento, napakaraming posers ngayon sa social media, maraming nagpapanggap at nagpapakilalang sila ang ka-tweet o ka-FB pero mga impostor lang naman pala.
Maaaring naka-relate kami sa kuwento dahil meron kaming labinglimang Twitter accounts pero isa man du’n ay wala kaming kinalaman. Gawa-gawa lang ‘yun ng mga taong walang magawa, kinokopya ng mga ito pati ang istilo namin sa pagsusulat at pagsasalita, pero sumasablay rin dahil mali-mali ang mga impormasyong pinakakalat nila.
Sabi nga ng isang kaibigan namin ay may kilig factor ang mga istoryang ipinalalabas nang lingguhan sa TV5, sisimulan ng Lunes nang gabi at tatapusin ng Biyernes, pambagets ang kanilang mga kuwento.
Simula ngayong gabi ay sina Eula Caballero at Carl Guevarra naman ang bibida sa Wattpad Presents, pang-Cinderella ang daloy ng kuwento, bagay na bagay sa kanilang dalawa ang papel na ipinagkatiwala sa kanila ng Happy Network.
Malakas ang charisma ni Carl Guevarra hindi lang sa mga beki, ang mga anak na babae ng aming kaibigan ay matagal nang nagre-request na makita siya nang personal, tama ang kanilang komento na mukha kasing mabait ang guwapong aktor.
Si Carl ang dating boyfriend ni Kris Bernal habampanahong idinenay at itinago lang sa kahon. Baka raw kasi makaapekto sa kanyang career ang pag-amin ng dalaga, isang katwirang pinagtaasan lang ng kilay ng marami, kasabay ang tanong na “Buhket?”