MANILA, Philippines - Muling magbabalik ang cartoon classics na Princess Sarah at Marcelino Pan Y Vino tuwing umaga simula Lunes (Oct 13) sa bagong Umaganda ng ABS-CBN.
Ang mga kwentong minahal at kinapulutan ng aral noong dekada 90s, mapapanood na rin ng bagong henerasyon ng mga kabataan.
Kung trending sa social media ngayon ang mga patatas ni Sarah, tiyak magiging trending din sa puso ng mga chikiting ang makulay na kwento ng tinaguriang munting prinsesa sa telebisyon.
Balikan ang kwento ni Sarah Crewe, isang batang babaeng matapos maghirap dala ng pagyao ng ama ay maninilbihan na lang sa paaralang kanyang pinapasukan. Sa kabila ng mga hamon at pagmamalupit sa kanya ni Miss Minchin at ni Lavinia ay haharapin niya pa rin ang buhay ng may busilak na puso at pagmamahal sa kapwa.
Samantala, muli namang samahan si Marcelino sa kanyang paghahanap sa kanyang tunay na ina. Naiiba ang adventure ni Marcelino dahil sa kanyang espesyal na kakayahang kumausap ng mga hayop, at maging si Hesus ay nakakasama at nakakausap rin niya.
Mapapanood ang Princess Sarah, 9:25 AM, at Marcelino Pan Y Vino, 9:45 AM, sa bagong Umaganda ng ABS-CBN.