MANILA, Philippines - Naniniwala ka ba sa mga engkanto? Magagawa mo bang maniwala kung isa na sa mga mahal mo sa buhay ang nagpapatunay dito? Paano kung nakasalalay na sa iyong paniniwala ang kaligtasan ng iyong mga minamahal?
Ito ang problema ni Susan (hindi niya totoong pangalan). Dahil moderno na ang panahon, marami na ang hindi naniniwala sa mga pamahiin at paniniwala ng mga matatanda—gaya na lang ng asawa ni Susan na si Miguel. Para sa lalaki, wala silang mapapala kung maniniwala pa sila sa mga makalumang pag-iisip ng mga tao.
May kaya ang pamilya nila. May pinag-aralan ang mag-asawa. Kaya naman makukumbinsi rin si Susan na hindi na siya dapat maniwala sa mga sabi-sabi lang. Hindi totoo ang mga engkanto.
Naniniwala si Susan na makatutulong sa pamilya nila kung ipaputol na lang niya ang puno ng mangga sa kanilang bakuran. Ang punong pinaniniwalaang bahay ng isang engkanto. Kahit takot sa engkanto, paiiralin na lang ni Susan ang kanyang logic. Ano ba naman ang magagawa ng isang kathang-isip laban sa kanya at sa pamilya niya?
Ngunit sa pagbagsak ng puno ng mangga ay magsisimula na rin ang pagbagsak ng kabuhayan nila Susan. Habang ang mga taong tumulong naman sa pagpapatumba ng puno ay isa-isa na ring tumutumba.
Tama nga ba ang noon niyang paniniwala? Hindi nga ba dapat nila pinutol ang puno ng mangga?
Nang magsimulang magpakita ang engkanto sa anak niyang si Joy, mapapaisip na si Susan kung ano ang dapat nilang gawin. Subalit ano nga ba ang magagawa niya para pigilan ang galit ng isang engkantong nawalan ng bahay?
Ito na ba ang babago sa isip ng mga malapit kay Susan, para maniwala silang totoo ang mga engkanto? At may magagawa pa ba sila Susan at Miguel para muling bumalik sa tahimik ang kanilang mga buhay?
Itinatampok sina Sunshine Dizon, Jay Manalo, Susan Africa, Spanky Manican, Lollie Mara, at Nicole Dulalia, alamin ang mga kasagutan ngayong Sabado, October 11, sa isang episode ng Magpakailanman na puno ng kababalaghan, pagkatapos ng Marian sa GMA7.