Taxi Squad ng Radyo5 parami nang parami ang miyembro!

MANILA, Philippines - Pagdating sa pagbibigay ng kakaiba at epektibong public service, wala nang tutulad pa sa Taxi Squad ng Radyo5 na siyang binubuo ng puwersa ng mga taxi drivers na boluntaryong nagsisilbing mga citizen journalist habang sila ay namamasada. 

Simula pa noong 2011, bukas-loob ang buong Taxi Squad sa listong pag-responde bilang mga dagdag na mata, tenga at impormante ng TV5 sa mga mahahalagang balita at kaganapan sa iba’t ibang parte ng bansa. At sa loob nga ng tatlong taon lamang, higit na sa 1,100 miyembro ang sumali sa Taxi Squad, patunay sa tagumpay nito sa pagbuo ng pinakamalaking komunidad ng mga taxi driver sa bansa na kusang-loob na ma­ging citizen journalists. 

Dahil sa naging malawakang pagtanggap ng publiko, mapa-motorista o pasa­hero at komuter man, sa tanyag na public service campaign na ito, sinigurado ng Radyo5 na mas palakasin at gawing mas-makabuluhan pa ang pambihirang serbisyong hatid ng Taxi Squad. 

Kamakailan ay sinimulan na ang mga regular news segments tampok ang Taxi Squad sa ilan sa mga pinaka-sinusubaybayang mga programa ng Radyo5, tulad ng Orly Mercado All Ready (6:00 a.m.), Punto Asintado (8:00AM), Cristy Ferminute (4:00 p.m.), at Remoto Control  (7:00 p.m.). Eksklusibong ini­hahatid ng mga miyembro ng Taxi Squad ang mga pinaka-updated na balita habang sila mismo ay nasa biyahe — kabilang ang ulat-trapiko sa iba’t ibang mga daanan sa Metro Manila, ang mga al­ter­natibong pagdaraanan para maiwasan ang trapiko, at pati na rin ang mga safety tips para sa mga kapwa driver at pasahero. 

Bukod rito, sinigurado rin ng Radyo5 na mas palawakin pa ang pu­wersa ng Taxi Squad sa buong bansa, na siyang pinangunahan sa lungsod ng Cebu, kung saan ay nagsagawa kamakailan ang Radyo5 ng isang re­cruitment acti­vity sa Park Mall Mandaue. Kahit na sa kasagsagan ng bagsik ng nagdaang bagyong Mario, hindi nagpatinag ang mga Cebuano at sa katapusan ng event ay 166 na taxi drivers ang boluntaryong sumum­pa bilang mga bagong miyembro ng Taxi Squad.

Sinimulan ang matagumpay na event sa pamamagitan ng isang makabuluhang coaching session, kung saan tinuruan mismo ang mga magiging baguhang ci­ti­zen journalists kung paano mag-report ng mga iba’t ibang kaganapan habang namamasada. Matapos ang ka­nilang oath-taking session ay nakatanggap sila ng sari-saring libreng items hatid ng mga sponsors ng kampan­ya. Bukod sa libreng pagkain, binigyan din ng libreng haircut, Talk ‘N Text na SIM card na may libreng load, at official Taxi Squad vest ang mga dumalo. 

Sa darating na Oktubre 22- 25, tutungong Davao naman ang Radyo5 para sa isang Taxi Squad Caravan na isasagawa sa ilan sa mga pinakamalaking ga­ra­he ng iba’t ibang mga car companies sa lungsod. Libreng seminar din ang sasalubong sa mga dadalo, kung saan tatalakayin ng LTO, Philhealth at ng TV5 ang mga mahahalagang bagay kung paano magiging isang responsableng motorista at epektibong citizen journalist.

Para sa mga karagdagang tanong tungkol sa Rad­yo5 at sa mga susunod na events nito, maaring tumawag sa hotline na +63939-166-1443. (PG)

Show comments