MANILA, Philippines - Noong ika-5 ng Oktubre, naghandog si Rocco Nacino ng isang movie treat para sa halos 100 estudyante mula sa iba’t ibang public schools. Sabay-sabay nilang pinanood ang Ibong Adarna: The Pinoy Adventure sa Robinsons Galleria.
Ayon sa multi-awarded Kapuso star, naisip niyang imbitahan ang mga estudyante para mas maengganyo sila sa pag-aaral ng panitikang Pilipino. Gusto rin daw maka-bonding ng aktor ang mga estudyante.
Naisakatuparan ang film viewing sa tulong na rin sa pag-oorganisa ng ina ni Rocco.
“Masaya ako kasi naibahagi ko ‘yung pelikula sa kanila. Kakaibang movie experience din ito para sa akin. We really thought of the students while filming this, at the same time, binigyan namin ito ng fresh take,” ani Rocco.
Ginagampanan ng GMA Artist Center star ang karakter ni Prinisipe Sigasig sa Ibong Adarna: The Pinoy Adventure. Para maligtas ang kanyang amang malubha ang sakit, kailangan niyang mahanap ang Adarna. Ang boses kasi nito ang magpapagaling sa sultan.
Kabilang sa mga nakasama ni Rocco sa pelikula na dinirek ni Jun Urbano ay ang mga respetadong actor na sina Leo Martinez, Joel Torre, Lilia Cuntapay, at Angel Aquino.
“Bata o matanda, paniguradong masisiyahan sa pelikulang ito. Bukod sa istorya, visually appealing ang Ibong Adarna,” sabi ni Rocco.
Palabas pa rin sa mga sinehan ang Ibong Adarna: The Pinoy Adventure.
Samantala, mapapanood din si Rocco Nacino sa Kapuso primetime drama series na Hiram na Alaala.
Jerome Ponce hindi nakakasamang kumain ang ama at ina
Nagmula sa watak na pamilya ang young actor na si Jerome Ponce kaya naman nakahanap siya ng buo at masayang pamilya sa Be Careful with My Heart.
“Business-minded person ‘yong dad ko. ‘Yong mom ko naman galing sa modeling. Tapos dito sila nagkakilala sa isang shoot din, hanggang sa nagkaanak, anim kami, pero sa huli naghiwalay din sila,” pagbabahagi niya sa Tapatan ni Tunying na mapapanood ngayong Huwebes (Okt 9).
Matagal na raw hindi nabubuo ang pamilya ni Jerome, pero tila nagkaroon siya ng kumpletong pamilya dahil sa mga katrabaho niya sa naturang teleserye.
“Dumadating kami sa taping, may kainan kami. Sabay-sabay bago kami mag-take. Iniisip ko, ‘Ano kaya ang feeling nang kasama ko sila rito? Kami ‘yong sabay-sabay kumakain, nag-uusap about school?’” sabi ni Jerome.
Samantala, ikukwento naman ng ka-loveteam ni Jerome sa Be Careful with My Heart na si Shy Carlos kung paano siya nagsimula sa showbiz.
Dating bahagi si Shy ng all-girl singing group na Pop Girls kasama si Nadine Lustre ngunit mas nakilala siya sa Be Careful with My Heart.
Tampok din sa episode na ito ng Tapatan ni Tunying ang komedyanteng si Johanna “Kiray” Celis na ibabahagi ang hirap ng buhay niya at ng kanyang pamilya bago siya mag-artista.