MANILA, Philippines - Nananatiling mas pinapanood ang mga progama ng ABS-CBN noong Setyembre sa natamo nitong average total day audience share na 43%, o pitong puntos na mas mataas sa 36% ng GMA, base sa datos ng Kantar Media.
Maging sa probinsiya ay mataas ang rating ng Kapamilya shows base pa rin sa Kantar.
Patuloy rin silang hindi binibitiwan sa primetime (6 p.m.-12 m.n.) dahil sa average audience share na 48%. Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock dahil sa mga oras na ito may pinakamaraming nanonood.
Mas dumami rin ang kumapit sa late afternoon (3 p.m.-6 p.m.) block o mga panghapong programa. Ang mga bagong Kapamilya Gold na binubuo ng Kapamilya Blockbusters, current affairs programs na Bistado, Mutya ng Masa, My Puhunan, Tapatan ni Tunying, at Red Alert, at ang nagbabalik na game show ni Judy Ann Santos na Bet on Your Baby ang nagpaigting sa nasabing time block.
Nasungkit din ng network ang lahat ng pwesto sa listahan ng sampung inaabangan.
Numero uno pa rin ang longest-running drama anthology sa Asya na Maalaala Mo Kaya dahil sa average national TV rating na 29.6%. Sinundan ito ng Hawak Kamay (28.7%), TV Patrol (28.2%), Wansapanataym (27.7%), Ikaw Lamang (27.5%), Home Sweetie Home (24.9%), Rated K (22.4%), Pure Love (22.3%), Mga Kwento ni Marc Logan (21.3%), at Goin’ Bulilit (21.1%).