Serye nina Bea at Paulo, magtatapos na sa Oktubre 10

MANILA, Philippines - Mala-pelikula ang inihandang pagtatapos ng top-rating primetime drama series ng ABS-CBN na Sana Bukas Pa ang Kahapon tampok ang sunud-sunod na malalaking pasabog at rebelasyon sa buhay ng mga karakter nina Bea Alonzo at Paulo Avelino. Mapapanood na ang finale episode sa Oktubre 10 (Biyernes). 

Simula nang umere ito noong Hunyo 2014 ay sinubaybayan na ng mga manonood ang pi­nag-ugnay na kwentong buhay nina Rose at Em­manuelle (kapwa ginagampanan ni Bea), ang dalawang magkaibang babae na pinag-isa ng kanilang laban para sa katarungan. 

Gabi-gabi, namayagpag sa national TV ratings ang Sana Bukas pa ang Kahapon dahil sa kakaibang movie experience na dulot ng kwento nito, husay ng buong cast, at sa nakakakilig na chemistry nina Bea at Paulo bilang ang mag-asawang sina Rose at Patrick. 

Sa mga huling gabi ng Sana Bukas pa ang Kahapon, malalagay sa matinding panganib ang buhay ni Rose ngayong unti-unti nang nadidiskubre ng lahat na siya ay nagpapanggap lamang bilang si Emmanuelle. 

Magtatagumpay ba si Rose na makuha ang nararapat na hustisya para sa pagkamatay ni Emmanuelle at ng kanyang ama? Makakabalik pa ba sila ni Patrick sa dati nilang buhay kasama ang kanilang mga pamilya? 

Sa ilalim ng direksyon nina Trina Dayrit at Jerome Pobocan, tampok din sa Sana Bukas pa ang Kahapon ang powerhouse cast na binubuo nina Albert Martinez, Dina Bonnevie, Tonton Gutierrez, Maricar Reyes, Malou Crisologo, Nikki Valdez, Francis Magundayao, at Michelle Vito. Kasama rito ang natatanging pagganap ng mga beteranong artista na sina Eddie Garcia, Anita Linda, at Susan Roces.

Ang Sana Bukas pa ang Kahapon ay sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment Television.

 

Show comments