Mga anak ni Claudine biglang umuwi nang makita sila Gretchen sa lamay ng lola

PIK: Mataas ang ratings ng Magpakailanman nung nakaraang Sabado kung saan inilabas ang kuwento ng buhay ng guwapong pulis na si Neil Garcia o si Mariano Flormata.

Ngayon ay puspusan na ang kanyang paghahanda sa pagsali sa Mr. International na gaganapin sa Korea ngayong buwang ito.

Isa sa tumutulong sa kanyang pagsali ay ang Uni-Silver na kumuha sa kanya bilang bagong endorser.

PAK: Ang proposal ni Bryan Revilla sa kanyang girlfriend na si Joyce Platon ang isa sa sorpresa sa kaarawan ni Sen. Bong Revilla nung nakaraang Huwebes.

Sa harapan nina Sen. Bong at Cong. Lani Mercado nag-propose ang panganay nilang anak na ikinatuwa naman nila dahil nasa tamang edad naman daw ito para malagay sa tahimik.

Pero hindi pa napagdesisyunan nina Bryan at Joyce kung kailan sila magpapakasal dahil magtatrabaho pa ang huli sa Amerika bilang make-up artist.

Hindi na rin daw magugulat si Sen. Bong kung isa sa mga araw na ito ay mag-propose na rin si Jolo Revilla kay Jodi Sta. Maria.

BOOM: Nag-react ang abogado ni Claudine Barretto na si Atty. Ferdie Topacio sa nasulat na banned daw ang kanyang kliyente sa burol ng mother-in-law nitong si Mrs. Cielito Legaspi-Santiago.

Nag-react kasi ang kampo ni Raymart Santiago nang tinanong kung pumunta si Claudine sa burol ni Mama Chiling. Ang sabi nila, hindi raw puwedeng pumunta dahil namatay daw ang ina ng aktor na masama ang loob kay Claudine.

Sagot naman ni Atty. Topacio, wala raw pag-ban na nangyari dahil wala naman daw intensyon si Claudine na pumunta para makiramay.

Bahagi ng text message sa amin ni Atty. Topacio: “Claudine could not have been banned because there was no intent to go, as far as I know.”

Kaya raw ipinadala ni Claudine ang dalawang anak nila dahil tumawag daw sa kanya ang abogado ni Raymart na kung puwede papuntahin daw ang mga bata sa burol ng kanilang lola.

Dagdag pang kuwento ni Atty. Topacio, nagyaya na raw ang mga bata na umuwi nang nakita raw nilang dumating sina Gretchen Barretto.

Show comments