Labis na kaligayahan ang nadarama ngayon ni KZ Tandingan matapos manalo ang kanta niyang Mahal Ko O Mahal Ako sa 2014 Himig Handog: P-Pop Love Songs noong Linggo ng gabi. Si Edwin Marollano ang kompositor ng nasabing kanta. “Sobrang blessed dahil po kasi sa dinami-rami ng singers na pwedeng piliin ng Star Records to sing Mahal Ko O Mahal Ako, ako ang pinili nila. At na-timing pa sa akin na composer si Sir Edwin. Sobrang nakakatuwa na ganito ang resulta,” nakangiting bungad ni KZ.
Hindi raw inakala ng singer na siya ang mananalo sa kompetisyon lalo pa’t malakas na malakas sa mga tagahanga ang kanta ni Daniel Padilla na Simpleng Tulad Mo. “Noong tumanggap siya ng minor award, sabi ko sa kanya, ‘O huwag ka nang umalis diyan, diyan ka na lang. Grabe, iba-iba ang nanalo ng mga minor awards ngayon. Iba-iba po talaga kaya ‘di mo ini-expect kung sino ang mananalo. Hindi mo mara-rank kahit may naiisip ka na,” paliwanag ng dalaga.
Naikwento rin ni KZ na pareho ang kanyang naramdaman noon sa X-Factor at ang kanyang naramdaman ngayon sa nasabing songwriting competition. “Ang aga kong nagising. Ginising ako ng kaba ko, ang aga kong nag-devotion dahil hindi na ako makatulog ulit. ‘Yung feeling na ‘yon, ‘yun din ang feeling ko kahit no’ng nag-X-Factor audition ako. Sabi ko, ‘Lord, give me strength at baka biglang bumagsak ako,” pagbabahagi ng singer.
Martin bumuo ng banda
Isang bagong album ang ginawa ngayon ni Martin Nievera na may titulong Big Mouth, Big Band. Ibang-iba raw ito sa lahat ng kanyang nagawa sa loob ng tatlong dekada dahil isang grupo ng banda ang nakasama niya sa nasabing proyekto. Kinausap daw ng Concert King ang kilalang musical director na si Marvin Querido upang magbuo ng sariling banda. “I really wanted to be in a band when I was 18 or 16 and I never got into a band. When I came in the Philippines I became a soloist. It’s the loneliest job in the world. Wala akong kausap, wala akong kalaro sa stage,” nakangiting pahayag ni Martin.
Nanibago raw ang beteranong singer dahil sa naging proseso ng recording ng album. “Hindi ito ‘yung ibibigay sa arranger tapos gagawin sa computer. We did it the old style. We did it with a live band performing then I put my voice later on. Then we mixed it all together to make it sound like a live performance as opposed to the usual very well mixed and engineered CD’s. We want to bring back that raw sound of yesterday,” pagdedetalye pa ni Martin.
Reports from JAMES C. CANTOS