Kung tahimik ngayon ang kampo ng mga Barretto lalung-lalo na si Claudine Barretto na may kinalaman sa iba’t ibang kasong isinampa laban sa dating mister na si Raymart Santiago at maging sa dalawa nilang naging katulong, ang kaso naman ng estranged couple na sina Derek Ramsay at Mary Christine Jolly ang tinututukan ngayon ng publiko na may kinalaman sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Children na isinampa ng ex-wife ni Derek.
Sa muling paghaharap sa tanggapan ng Makati City Prosecutor’s Office sa harap ni Asst. City Prosecutor Edwin Dimayacyac ng dating mag-asawa kung saan muling isinama ni Mary Christine ang kanilang 11-year-old son na si Austin, hindi naging maganda ang kinalabasan dahil harap-harapan umano sinabi ng bata na hindi niya gusto ang kanyang ama. Nagkaroon din umano ng mainitang pagtatalo ang respective counsels nina Derek at Mary Christine na sina Atty. Joji Alonzo at Atty. Argee Guevarra.
Ganunpaman, umaasa ang marami lalung-lalo na ang mga tagahanga ni Derek na sana’y maayos ang lahat sa pagitan ng dating mag-asawa alang-alang sa kanilang anak.
‘Pamilya’ nina Jodi at Richard magkakanya-kanya na
May dalawang buwan pang tatakbo ang top-rating at long-running morning family TV drama series na Be Careful with My Heart na pinangungunahan nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap na nagsimulang umere noong July 9, 2012.
Sa dalawang taon at dalawang buwan nitong nasa ere, milyung-milyong tao ang pinasaya at patuloy na pinasasaya ng programa hindi lamang sa buong Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bansa na inaabot ng TFC o The Filipino Channel. Maging sa ibang Asian countries ay kinagigiliwan at wagi rin ang programa na nilapatan ng sarili nilang lenguahe. Ganoon katindi ang impact na na-create ng BCWMH.
Lahat ng bagay ay may simula at katapusan. Kung ang bumubuo ng cast at production ganundin ang mga televiewers lamang ang tatanungin, ayaw nilang matapos ang serye pero imposible itong mangyari. Ganunpaman, very thankful ang bumubuo ng cast ang production sa tagumpay at mainit na pagtanggap ng mga manonood sa programa na naging bahagi na ng kanilang mga buhay at pang-araw-araw na gawain.