September pa lamang pero sa taong ito ay may 293 children cancer patients na ang tinutulungan at inaaruga ng Child Haus na brainchild ng beauty czar na si Mader Ricky Reyes. Out of 293 na pasyente, 51 dito ay tuluyang gumaling at nakauwi na sa kani-kanilang mga probinsiya habang 13 naman ang sumakabilang-buhay. Karamihan sa mga pasyente ay ongoing pa rin ang treatment sa Philippine General Hospital na tinutulungan din ng Ricky Reyes Foundation at Child Haus.
Sa ika-11 anibersaryo ng Child Haus, mahigit 11,000 patients na ang nakinabang at natulungan at patuloy pang natutulungan ng nasabing charitable institution ni Mader Ricky na patuloy na kumukatok sa mga taong may ginintuang puso.
Bukod sa Child Haus, wala kaming kaalam-alam na meron din palang orphanage na itinatag si Mader Ricky sa Marikina City, ang Meritxell Children’s House na kumukupkop naman ng mga abandoned children sa tulong ni Atty. Eric Mallonga.
Kahit gustong maging low-key ni Mader Ricky na may kinalaman sa kanyang pagiging pilantropo, kailangan niyang ipaalam ito sa publiko dahil kailangan niya ng patuloy na suporta in terms of donations mula sa mga taong gustong tumulong.
“Hindi ito magiging posible kung wala ang tulong at suporta ng mga well-meaning friends in and out of the industry,” pag-amin ni Mader Ricky.
“Patuloy akong namamalimos ng tulong mula sa iba’t ibang tao na hindi naman nagkakait ng tulong in terms of cash donations, mga pagkain, mga damit at iba pa na siyang pangangailangan ng mga needy children,” dagdag pa ng beauty magnate.
For the longest time ay tumutulong si Mader Ricky sa mga batang may sakit na kanser sa PGH at ang Child Haus ay extension lamang sa tulong sa mga batang may sakit at mga magulang na nagbabantay at nag-aalaga sa kanila habang ginagamot ang mga bata. “Ngayong may malaking tahanan na ang Child Haus courtesy of Mr. Hans Sy (of SM Group of Companies) sa pamamagitan ng isang brand new 6-storey building sa harap lamang ng PGH, we can accommodate more patients na nangangailangan ng pansamantalang shelter,” pagmamalaki pa ni Mader Ricky.
Samantala, pareho nang tinedyer ang dalawang adopted daughters ni Mader Ricky na sina Stephanie (14) at Jamie (11) na parehong maganda at matalino. Iniipon ng dalawa ang kanilang daily allowance at pagdating ng Christmas ay ipinamimili nila ito ng mga laruan at gamit ng mga bata sa Child Haus at Meritxell Children’s House orphanage. Sumasama rin ang dalawa kay Mader Ricky sa tuwing dumadalaw ang beauty expert sa dalawang charitable institutions na kanyang itinatag at nakikipaglaro at nakikisalamuha sila sa mga batang may sakit.
Kung kinu-consider ni Mader Ricky na blessing sa kanya ang kanyang dalawang angels, nagiging blessing naman sa ibang bata ang dalawa dahil ngayon nila lubos na nauunawaan at naa-appreciate ang mga bagay na ginagawang pagtulong sa mga nangangailangan ni Mader Ricky.