MANILA, Philippines - Umani ng parangal ang ilang Kapuso stars sa katatapos lang na 6th PMPC (Philippine Movie Press Club) Star Awards for Music. Ginanap ang awards night noong September 14 sa Solaire Resort and Casino.
Naghari sa kanyang genre ang R&B Prince na si Kris Lawrence. Nakuha niya pareho ang R&B Artist of the Year pati na ang R&B Album of the Year para sa Spread the Love sa ilalim ng GMA Records. Ang awiting Ikaw Pala, na bahagi ng kanyang album, ay naging theme song ng Koreanovelang Padam Padam na ipinalabas sa GMA Network.
Nasungkit naman ni Jonalyn Viray ang Song of the Year award para sa kanyang kantang Help Me Get Over na lalong sumikat nang gamitin itong theme song sa hit series na My Husband’s Lover.
Wagi rin sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Ryzza Mae Dizon ng EB Dabarkads. Itinanghal na Novelty Song of the Year ang Cha Cha Dabarkads na naging dance craze pa.
Ginawaran din ng award ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid. Tinanghal na Album Cover of the Year ang kanyang album na Hulog Ka ng Langit. Bukod sa pag-promote ng nasabing album, abala rin si Regine sa kanyang appearances sa Sunday All Stars at pagho-hohost ng Sarap Diva. Samantala, mapapanood din bilang host si Regine sa upcoming reality talent search na Bet ng Bayan kasama si Alden Richards.