Nakitang magkasama sa isang condominium malapit sa Robinsons Magnolia ang magka-love team na nababalitang for real din ang relasyon. Papunta ang magka-loveteam sa condo unit ng ina ng aktres para mag-dinner. Tanggap ng ina ng aktres ang aktor para sa anak, kaya ‘pag dumadalaw ang aktres sa ina at ‘pag may time ang aktor, sumasama ito sa girlfriend.
Tanggap din ng pamilya ng aktor ang aktres at suportado nila ang love team at relasyon ng dalawa. Nakikita ito sa mga post ng siblings ng aktor sa social media.
Kuwento sa amin, madalas gawin ng magka-love team ang makipag-dinner sa ina ng aktres na nasa showbiz din. Mas mabuti nga namang sa bahay na lang ng ina ng aktres mag-dinner ang dalawa para hindi naliligalig ang fans ng aktor. At para na rin hindi naba-bash ang aktres sa social media.
Pero hanggang kailan magiging in denial ang fans ng aktor at una nitong ka-love team na hindi na lang pang career ang tambalan kundi pang tunay na buhay din?
Mega at Superstar si Bing Loyzaga ang BFF
Mabilis naging magkaibigan sina Nora Aunor at Bing Loyzaga mula nang gawin ang Dementia, kaya nang tanungin si Guy kung sino ang gusto niyang mag-alaga sa kanya ‘pag nagka-dementia siya, ang mga anak at si Bing ang kanyang binanggit.
Kung sakali ngang mangyari, hindi tatanggi si Bing na alagaan si Guy lalo’t nakilala niya ito bilang si Nora na simpleng tao at hindi bilang Superstar. Saka, sanay na siyang mag-alaga ng mga may sakit dahil siya rin ang nag-aalaga sa parents niyang may mga sakit at nasa kanyang poder.
Si Bing din ang isa sa nabanggit ni Sharon Cuneta na kanyang pinagkakatiwalaan at nakakapag-confide siya rito ng mga problema at sikreto. Ano ang feeling niya that she has a Superstar and a Megastar as close friends?
“It’s really an honor to be considered their friends. For me, more than their stature, I know them outside of showbiz. Kaya everytime they need me, andyan ako, andito lang ako,” sabi ni Bing.
Lumang intriga na para kay Bing ang isyu sa kanila ni Janno Gibbs at flattered siya na may mga interesado pa ring malaman ang status nilang dalawa. They’re still together, sa iisang bahay pa rin sila nakatira.
“At the end of the day, I still see myself growing old with him. Malaking tulong ang mga anak namin sa pagbabago namin and work our relationship. Ang advice ko sa couple na nagkakaproblema, don’t get an annulment,” sabi ni Bing.
Anyway, sa Dementia, ginagampanan ni Bing ang role ni Elaine na pinalaki ni Mara (Nora) at aalagaan niya ito bilang pagtanaw ng utang na loob. Sa September 24, ang showing nito sa direction ni Perci Intalan.
Kalamansi ang deodorant at extra virgin oil ang lotion, Rafael organic at vegan na!
Nag-audition din pala si Rafael Rosell para maging host ng Don’t Lose the Money, hindi lang siya pinalad at kay Tom Rodriguez na talent din ng manager niyang si Popoy Caritativo napunta ang trabaho at show. Better luck next time na lang si Rafael bilang host, sa acting na muna siya magko-concentrate.
Mapapanood si Rafael sa primetime soap ng GMA 7 na Second Chances kasama sina Jennylyn Mercado at Raymart Santiago. Nasa cast din siya ng horror movie ng Regal Entertainment na Dilim na showing sa October 22, ayaw nitong sabihin ang role niya sa dalawang projects.
Parang reunion nina Rafael at Kylie Padilla ang Dilim dahil nagkasama sila dati sa Extra Challenge.
Anyway, nakabibilib ang disiplina ni Rafael sa sarili. All organic ang diet nito at 50-50 na siyang vegan. Iniiwasan na nitong gumamit sa kanyang katawan ng may chemical at synthetic components. Ang deodorant niya ay lemon at kalamansi, ang lotion ay extra virgin coconut oil at naghahanap ng alternative sa sabon.