Nagbabalik-showbiz na si Angelo Ilagan matapos mawala ng ilang taon sa industriya. Mapapanood ang aktor bukas sa espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya kasama sina Jake Cuenca at Meg Imperial.
Aminado si Angelo na talagang lumaki ang kanyang ulo nang sumikat bilang artista noon. Pamangkin si Angelo ng namayapang aktor na si Jay Ilagan. Marami-rami na ring nagawang proyekto ang binata mula nang ilunsad bilang isa sa Star Circle Batch 13 ng Star Magic. “Pinapirma ako ng Star Cinema ng movies, tatlo, tapos Star Magic, lumaki talaga ang ulo ko. Tapos, ‘yung tiwala ng mga tao sa akin, nawala na,” bungad ni Angelo.
Muli raw naghirap ang pamilya ng aktor nang mawalan ng mga proyekto si Angelo. Nawalan din ng bahay ang binata kaya naranasan nitong magpalabuy-laboy sa lansangan. “Aaminin ko, ‘di ako mahihiya, isa ako sa mga pulubi na naging snatcher. May mga taong minamaliit ka eh, sasabihin sa iyo bakit palaboy ka, paikot-ikot kasi ako noon. Naging jeepney driver ako, naging tricycle driver ako,” kwento ng aktor.
Nalampasan naman daw ni Angelo ang lahat ng mga pagsubok sa kanyang buhay dahil na rin sa tulong ng isang kaibigan. Namumuhay nang simple ngayon ang binata sa Cavite kasama ng kanyang pamilya.
Jodi natatakot sumbatan ng anak kaya gustong makatapos ng college
May bulung-bulungan na nagkahiwalay na diumano ang magkasintahang sina Jodi Sta. Maria at Jolo Revilla. Dumalo sa premiere night ng pelikula ni Jodi na Maria Leonora Teresa si Jolo kaya hindi na nakaiwas na sagutin ng aktor ang tungkol sa isyu. “Of course I made time, to support her dahil siguro hindi ko na kailangang banggitin kung bakit. Basta we are okay, siguro this shows a lot,” nakangiting pahayag ni Jolo. “Magkausap nga kami, parang ngayon lang tayo nakita in public ulit,” dagdag ng actor-politician.
Humanga raw si Jolo nang mapanood si Jodi sa nasabing proyekto. “Ang galing lang ni Jodi umarte. Actually, lahat sila, ‘yung film, ang galing ni direk Wenn (Deramas),” giit ni Jolo. Sobra naman daw ang naging pasasalamat ni Jodi sa ipinakitang suporta ni Jolo. “Well of course I’m very thankful that’s he’s here to support not only me but the cast of course, si direk Wenn. I’m thankful,” pahayag ni Jodi.
Samantala, pangarap daw ng aktres na makatapos ng pag-aaral at maging isang duktor balang araw. “I want to set a good example for my son. I don’t want to be in a situation where I will force him to go to school, and then he will tell me, ‘But you didn’t even finish school,’” paliwanag ni Jodi. “I want to be a doctor. I went to college but haven’t finished my course yet. I don’t know how to divide my time but I will return to school eventually,” pagtatapos ng aktres. Reports from JAMES C. CANTOS