MANILA, Philippines - Wagi bilang TV Station of the Year ang ABS-CBN sa kakatapos lang na SKAL Tourism Personality Awards, kung saan pinarangalan din ang top executives ng network para sa mga natatanging kontribusyon nila sa pagsulong ng turismo sa loob o labas man ng bansa.
Kilala ang Kapamilya network sa pagtaguyod ng kultura at magagandang lugar sa bansa sa pamamagitan ng iba’t ibang media platforms, kabilang na sa news at entertainment programs nito, station IDs, magazines, environmental arm na Bantay Kalikasan, at travel website na Choose Philippines.
Panalo rin ang ABS-CBN president at CEO na si Charo Santos-Concio bilang Woman Achiever for Tourism and International Understanding, habang kinilala naman ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation chairman na si Gina Lopez sa Environment and Agri-tourism category.
Pinangalanan ding Travel Show Host of the Year ang Queen of All Media na si Kris Aquino dahil sa kanyang pagbisita sa mga sikat at maging ang mga hindi kilalang tourist spots sa bansa kasama ang kanyang guests sa programang Kris TV, na nagwagi rin ng Travel Show of the Year award.
Ang SKAL Makati chapter ay miyembro ng SKAL International, isang samahan ng travel at tourism professionals na nagtataguyod ng turismo at pagkakaibigan sa mundo. Itinatag ito noong 1932 sa Paris, France at ngayo’y mayroon nang higit sa 25,000 na miyembro sa 500 na tourism clubs sa 85 na bansa.