Kailangan daw ng maraming dasal, Vhong pinag-iingat ng abogado; Tom itinangging sila na ni Carla

PIK: Ayaw kumpirmahin ni Tom Rodriguez na sila na ni Carla Abellana kahit marami ang nakakakita ng closeness nilang dalawa.

Sa presscon ng bagong game show niya sa GMA 7 na Don’t Lose the Money, inamin lang niya na minsan lang dumalaw sa kanya ang leading lady niya sa My Destiny, nung nag-guest lang daw si Dennis Trillo. Parang nagkita-kita lang daw silang mga bida ng My Husband’s Lover. Wala na siyang ikinuwento na ibang pagkakataong dumalaw si Carla. Pero marami ang nakasaksi na nakikita sa taping ng naturang game show ang Kapuso actress.

Sabi naman ni Tom, kung talagang sila na raw ni Carla, hindi naman daw nila ito itatago. Pero aminado siyang nagbibigay inspirasyon sa kanya si Carla at suportado ang game show niya na magsisimula na sa Lunes, September 22.

PAK: Hindi maitago ng Superstar na si Nora Aunor ang sama ng loob sa TV5 nang nakapanayam siya sa press conference ng pelikula niyang Dementia na magsu-showing sa September 24.

Ayon kay Nora, ibinawas pa raw sa talent fee niya ang bill nang na-hospitalize ito nang magkasakit siya sa taping ng Never Say Goodbye.

Hindi raw niya naramdaman ang importansya mula sa network at ang nagawa daw niyang teleserye gaya nitong Never Say Goodbye at ang huli ang Trenderas na basta na lang daw binabago ang kwento na hindi man lang daw ipinapaalam sa kanya.

Deretsahan niyang sinabi na hindi na raw siya magri-renew ng kontrata sa TV5. Matatapos na ang kontrata ng Superstar sa susunod na buwan.

Mas gusto raw sana niyang balikan ang pagkanta, kaya ipinapanalangin niyang sana matuloy na ang pagpapaopera niya sa Boston pagpunta niya ng New York para tanggapin ang isang parangal na igagawad sa kanya.

BOOM: Sinabi ni Atty. Alma Mallonga na nagulat daw si Vhong Navarro sa desisyon ng korte na pinagbigyan sina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at Zimmer Raz na makapagpiyansa. Kaya makukuha nila ang pansamantalang kalayaan.

Inamin din sa amin ni Atty. Mallonga na natatakot daw siya para kay Vhong, kaya kumakapit daw sila sa dasal sa Diyos na lumabas lang ang buong katotohanan at mapanagutan itong ginawa sa actor/TV host.

Sa ngayon ay magsusumite raw sila ng Motion for Reconsideration at balak din nila ipa-inhibit ang judge na humahawak ng naturang kaso.

Ngayong makakalabas na sina Cedric at Deniece, kailangan daw ni Vhong na lalong mag-ingat.

Show comments