Humanga ako nang una kong mapanood sa 10th Cinemalaya Film Festival ang movie ni Nova Villa na pinamagatang First Ko si Third. Isang movie ito tungkol sa pagtungtong ng isang senior citizen sa retiring age at nag-iisip na lamang ng paraan para gawing makabuluhan at masaya ang kanyang panahon. Si Nova ang babaeng bigla na lamang nakaramdam ng pagkabagot sa biglang pagbabago sa kanyang buhay kaya maging ang marriage niya sa isang ring retiradong lalaki (Dante Rivero) ay naapektuhan na.
Isa ‘yung panahon na nagpapasalamat ako at may ganu’ng klase ng pelikula akong napanood. Kung sa mainstream movies ay ‘di ko ‘yun maaasahan dahil pawang formula movies o ‘yun ang mga tema ay gusto ng mga manonood ang ipinakikita, dahil kung hindi siguradong lalangawin sila sa takilya. Hindi ko alam kung gaano karami ang nanood ng First Ko si Third, pero ‘yung mga hindi nakapanood, sayang dahil na-miss nila ang isang magandang pelikula.
Nova was very good in the film, ganundin si Dante. At maganda ang magiging laban nila sa isang film festival na dadaluhan ni Nova sa Hawaii sa buwang ito. May kasalanan pa nga ako dahil akala ko isang mahusay na director/writer ang nasa likod ng pelikula, kaya ito maganda. Pero isang baguhan at hindi pa kilala sa kanyang trabaho ang nasa likod ng First Ko si Third. Mabuhay ka Real Florido, ang galing mo!
Kris sobrang yaman talaga, afford mamigay ng milyun-milyong sasakyan
Napakagalante talagang kaibigan ni Kris Aquino at obvious na napakayaman niya. Biruin mo, isang sasakyang Hummer na milyun–milyon ang halaga ang welcome at birthday gift niya sa kanyang kaibigan at manager rin na si Boy Abunda matapos itong dumaan sa isang napakalalang karamdaman.
Sa dalawang anak na lalaki ni Kris na sina Josh at Bimby unang nakita ng King of Talk ang nasabing sasakyan na nagustuhan kaya bilang pasasalamat na rin ni Kris sa mabilis na recovery ng kanyang friend ay ibinigay niya ito sa kaibigan.
Star Awards for Music dinagsa kahit may ‘Luis’
Kahit napakalakas ng ulan at talagang tatangayin ang sinumang naglalakad sa kalye ng hangin ay naging matagumpay pa rin ang katatapos na 6th Star Awards for Music na ginanap nung Linggo ng gabi sa Solaire Hotel and Casino na prodyus ng Airtime Marketing ni Tessie Celestino.
Talagang multi-talented itong si Maja Salvador. Bukod sa pagiging mahusay na artista, dancer, at very recently, singer ay pwede na rin itong asahan bilang host. Nagsilbi siyang host sa nasabing event ng PMPC kasama sina Jake Cuenca, at Christian Bautista and they all did their job very well. May bagong titulo si Maja na kailangang niyang mapangatawanan, ang pagiging Concert Princess. Tinalo niya ang maraming dance artists na naglabas din ng dance album, tulad nina Sam Concepcion, Enrique Gil, Solenn Heussaff, Batchmates, Pop Girls, at Chicsers.
Kung si Kristel Moreno made waves sa nakaraang Star Magic Ball with her very revealing gown, ganundin ang Batchmates na halos dumugin ng kalalakihan dahil pare-pareho ang suot nilang gowns na ang natatakpan lamang ay ‘yung mga private parts nila. Habang ang ibang bahagi ng katawan nila ay natatakpan lamang ng napakanipis at naaninag na tela.