Tulong na, Tabang na, Tayo na wagi rin sa panata

MANILA, Philippines -  Pinarangalan na naman ng excellen­ce award ang kam­panyang Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na ng ABS-CBN sa kategoryang Exter­nal Communications Programs for Cause Marketing sa katatapos lang na PANAta Marke­ting Effectiveness Awards.

Ang PANAta ay binuo ng Philippine Association of National Advertisers (PANA) upang kilalanin ang mga pinaka-epektibong communication materials na nagpabuti sa takbo ng negosyo, kalagayan ng mga empleyado, at mga kasosyo nito.

Ang Tulong Na ay ang malawakang kampan­ya ng ABS-CBN na nakalikom ng milyong pisong halaga at in-kind donations para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda. Kabilang din sa kampanya ang pag-oorganisa ng dalawang sold-out at star-studded na solidarity concerts sa Araneta Coliseum at ang pagbebenta ng Tulong shirts para makatulong sa relief at rehabilitation efforts para sa mga nasalanta. Nagwagi na rin ang Tulong Na ng gold at silver awards sa Asia-Pacific Tambuli Awards 2014.

Noong Mayo 31, 2014, umabot na sa P171.8 milyon ang inilaan ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. para sa relief operations at rehabilitas­yon sa Samar, Leyte, Panay Islands, Palawan, Iloilo, Antique, Aklan, at Northern Cebu.

Samantala, kinilala rin ng PANAta ang 60th anniversary campaign ng ABS-CBN noong nakaraang taon na naging bahagi sa shortlist nito para sa External Communications Programs- Brand Category.

Itinataguyod ng PANA ang makatotohanang pag-aadvertise ng mga pro­dukto, serbisyo, at programa. 

 

Show comments