Babaeng contestant ng reality show binugbog umano nang makarelasyon ang kilala at guwapong aktor
PIK: Mamayang gabi na magsisimula ang bagong drama series ng GMA Telebabad na papalit sa Niño na nagtapos na nung nakaraang Biyernes.
Ito ‘yung Strawberry Lane na pagbibidahan ng mga Kapuso young stars na sina Bea Binene, Jake Vargas, Joyce Ching, Kiko Estrada, at marami pa.
Obvious na Sharonian ang nagsulat nito na si Gilda Olvidado dahil ang pangalan ng mga bidang babae sa seryeng ito ay hango sa mga karakter ni Sharon Cuneta sa mga pelikulang nagawa niya, gaya nina Dorina at Lavinia ng Bituing Walang Ningning at si Lupe ng Pasan ko ang Daigdig.
PAK: Totoo kayang napabalitang may malaking rebelasyon daw ang isang babaeng kasali sa isang reality show na dating karelasyon ng kilala at guwapong aktor.
Sa isang interview nito, inamin niyang nakarelasyon si guwapong aktor pero hindi raw maganda ang kanilang paghihiwalay dahil binugbog daw siya.
Pinag-iisipan daw ng production staff ng naturang reality show kung ilalabas ito dahil napaka-libelous ng mga sinabi nitong babae.
Pero may naririnig din kami sa babaeng ito na iba rin daw ang ugali nito na hindi nakakapagtakang masaktan siya.
BOOM: Itinatanggi ni Edu Manzano na may kinalaman siya sa pagkasuspinde ng OMB Chairman Ronnie Ricketts. Pero nadamay siya sa naturang isyu at inilabas nga niya sa kanyang Twitter account ang death threats na natatanggap niya, at ang pinagbibintangan ay mula kampo ni Ronnie.
Lumabas sa Startalk nung kamakalawa ng hapon ang paghamon niya kay Ronnie na bumaba na sa puwesto bilang OMB Chairman. Dapat na matagal na raw siyang nag-resign dahil overstaying na ito sa naturang puwesto.
- Latest