Nakakalungkot talaga ang away na nagaganap sa pagitan ng dalawang aktor na naging bahagi ng Optical Media Board (OMB).
Nakakagulat ang pagkakasuspinde kay Ronnie Ricketts na alam naming napaka-passionate sa kanyang tungkulin bilang chairman ng nasabing ahensya ng gobyerno na pumipigil sa paglaganap ng piracy sa bansa. Pero ang higit na nakakagulat ay ang pagkakasangkot ng aktor at TV host at dati ring chairman ng OMB na si Edu Manzano. Nakakatanggap daw ito ng death threats mula sa kampo ni Ronnie Ricketts na pinagbibintangan siyang naging dahilan ng pagkakasuspinde nito. Kung meron mang dahilan para mag-away ang dalawa, sana ay maging maginoo sila at pag-usapan ng mabuti ang isyu bilang mga tunay na lalaki. For all they know, baka naman pinag-aaway lang sila.
Kris hindi na ipinagdaramot si Bimby sa gf ni James
Mukha talagang hinayaan na ni Kris Aquino na maka-close ng bunso niyang si Bimby hindi lamang ang ama nito kundi maging ang girlfriend ng basketbolista. Hindi na parang strangers sa isa’t isa ang Italian girl at anak nila ni James Yap. Hindi na nahihiya ang bagets na hiniling pang ipagluto siya ni Michela Cazzola ng paborito niyang carbonara. Maski sa mga interview ay parehong magaganda ang sinasabi ng dalawa sa isa’t isa.
Dulce at Masculados nakikanta at nakisayaw sa healing priest ng Quezon
Hindi naman nasayang ang effort ni direk Maryo J. delos Reyes sa pagbibigay ng panahon para mahanap ang ika 7th member ng sikat na grupo niyang Masculados. Umani ng paghanga at malalalim na buntong hininga ang napiling kapupunan ng all-male group na nagngangalang Dave Carell. Guwapung-guwapo ito at hindi lamang mukhang bagets kundi talagang bagets na bagets pa. First public performance nila ay sa 25th sacerdotal anniversary celebration ni Fr. Joey Faller, ang healing priest at Kamay ni Hesus founder na ginanap sa Batis Aramin sa Lucban, Quezon ang program at reception.
Napakaraming sumaksi sa silver jubilee ng healing priest tulad ng mga kapwa niya pari sa mga karatig bayan ng Quezon at Laguna at maging sa Kamaynilaan. Halos hindi kumasya sa Kamay ni Hesus Church ang mga naki-misa sa kanya. At maski na sa reception na sumunod sa banal na misa, marami rin ang dumalo. Nakita ang iba pang talent ng healing priest sa musika dahil nakipag-duet ito kay Dulce at nakipagsabayan sa pagsasayaw sa Masculados.