May isang website ngayon kung saan parang karneng hilaw na ibinebenta nang por kilo ang mga kilalang male personalities. Puwedeng may alam tungkol du’n ang ibang hunk actors na pinapangalanan at may retrato, puwede rin namang wala, dahil sino ba naman ang magpapakapal ng mukha na itinda ang itsura nila sa isang website?
Isang beki ang sumasagot sa mga naiintrigang magtanong, may bank account diumano itong ibinibigay sa mga interesado, pagkatapos nu’n ay saka pa lang magkakaharap nang personal ang kliyente at ang aktor na napili nito sa listahan.
May isang hunk actor na nakalarawan du’n, meron siyang pangalan siyempre, beinte mil ang sinasabing presyo ng lalaki para sa isang panandaliang kaligayahan.
Peke ‘yun, sabi ng mga nakakita, dahil alam nila kung paano rumaket ang nasabing hunk actor. Mataas ang kanyang presyo, bukod du’n ay bilmoko pa ang aktor, talagang pipigain niya nang husto ang beki bago niya hiwalayan.
Sabi ng isang source, “Nu’ng sila pa ni ____(pangalan ng dating gay benefactor ng hunk actor), halos linggo-linggo silang nagsa-shopping! Matindi ang lalaking ‘yun, pasusukahin niya talaga ang beking patay na patay sa kanya.
“Umuuwing luhaan ‘yung bading na mayaman, wala kasi siyang nabiling kahit ano para sa sarili niya, grabe kasing magpabili ng mga branded stuff ang mhin!
“At heto pa. Pagdating nila sa shopping mall, e, sasabihin niya sa beki, ‘Lumayo ka sa akin, kunwari, hindi tayo magkasama. Baka kasi matsismis tayo.’
“Pero kapag bayaran na, siya pa mismo ang lalapit sa mayamang beki. ‘Yun ba ang natatakot matsismis na meron siyang gay benefactor?” kuwento ng aming impormante.
Nagtagal ang kanilang relasyon. Blinded by love ang mayamang beki. Hanggang sa isang araw ay magising na lang ito sa katotohanan na sukong-suko na ito sa husay magpaikot ng hunk actor.
Isang matinding bangungot ‘yun para sa madatung na beki. Para kasing kulisap ang hunk actor na kapag inatake ang isang malawak na bukirin ay walang inaani ang magsasaka.
Hugutin natin ang pangalan ng nasabing hunk actor sa pangalan ng isang madisyertong bansa na iniiwasang pagtrabahuhan ng mga OFW.
Ubos!
Piolo pino-promote ang pagdadamo
SI Piolo Pascual ang napagkaisahang piliin ng mga tagapamuno ng Sante Pure Barley para maging endorser ng kanilang bagong produktong Barley Max.
At bakit nga naman hindi si Piolo? Walang kahit anong kinasangkutang bisyo ang hunk actor mula nang pasukin niya ang showbiz. Hindi siya lasenggo, hindi kailanman nasangkot sa isyu ng pagdodroga, lalong hindi nakaladkad ang pangalan ni Piolo minsan man sa away sa bar.
Clean living ang idinidikit sa hunk actor, gym lang ang pinagkakaabalahan niyang puntahan kapag libre siya sa trabaho, at walang injection ang magandang bulto ng kanyang pangangatawan.
Ang Sante Pure Barley ay damong gamot (wheat grass) na nagmula sa New Zealand, maraming patotoo na ang nasaksihan namin sa pagiging epektibo ng produktong ito, kaya ang sigaw ngayon ni Piolo ay “I’m on grass!”
“Kilalang-kilala na ang Sante Pure Barley sa buong mundo, mismong mga pinagaling nito ang nagdadala ng produkto sa iba-ibang bansa, bago pa naisipan ng kumpanya na magbukas na ng kanilang mga sanay sa ibayong dagat.
“I’m on grass!” Ito ang damong gamot na walang pinipiling sakit na pinagagaling. Bukambibig at ginagamit na ngayon ng mga atleta, manggagawa, nag-oopisina at mga artista at singers ang Sante Pure Barley.