Nora Aunor magbibigay ng suporta sa Trenderas
MANILA, Philippines - Muli na namang patutunayan ng Kapatid Network ang kanilang husay sa paghahandog ng mga kapana-panabik at kakaibang mga programa sa pamamagitan ng bago nitong musical-drama-comedy seryeng pinamagatang Trenderas na mapapanood na sa special 1-hour pilot telecast nito ngayong Sabado (Setyembre 13) ng 9:00PM sa TV5.
Batid ng TV5 ang pananabik ng mga manonood sa mga kuwentong tagpo sa Trenderas – kuwento ng mga simpleng taong patuloy na nilalabanan ang mga pagsubok ng buhay upang matupad ang kanilang mga pangarap — at lalo pang ginawang mas kakaiba ang teleserye sa pagdaragdag ng mga musikang umaawit patungkol sa pagkakaibigan, ambisyon at pangarap makamit ang tagumpay. Bukod rito, magiging kakaiba rin ang mga tampok ng programa sa mga iba’t ibang sikat na awitin bilang ang mga lyrics nito ay mismong magiging dyalogo ng mga karakter.
Pangungunahan ang serye ng mga bagong bituin na maghahatid ng ningning sa Kapatid Network – sina Isabelle de Leon (bilang Isabelle), Katrina ‘Suklay Diva’ Velarde (bilang Diva), at Lara Maigue (bilang Lara). Gaganap ang tatlo bilang matalik na magkakaibigang mga tinderang sabay-sabay na inaahon sa hirap ang kanilang mga pamilya. Marami man silang pagkakaiba sa isa’t isa, ang kanilang pagmamahal sa musika at pangarap na maging mga sikat na mang-aawit balang araw ang nagpapatibay sa kanila.
Iikot ang kwento ng programa sa kanilang unti-unting pag-abot ng kanilang mga pangarap: mula sa pagiging mga simpleng tindera patungo sa pagiging pinakabagong trending stars ng bayan – na magsisimula nang maging-viral ang isang video ng kanilang performance sa palengke!
Higit namang magiging makulay ang kwento hatid ng mga pag-gaganap ng mga batikang artistang sina Dingdong Avanzado (bilang Julio), Ara Mina (bilang Diane), at Tina Paner (bilang Veronica). Bubusugin rin ng Trenderas sa pag-ibig ang puso ng mga manonood sa hatid na kilig ng gwapong si Carl Guevara (bilang EJ) kina Isabelle at Lara, at ng machong si Edward Mendez (bilang Benjo) na magpapatibok naman sa damdamin ni Katrina.
Siguradong aabangan din ang pagbabalik-telebisyon ng nag-iisang Superstar Nora Aunor sa kanyang natatanging pagganap bilang si Celestina Cruz, isang sikat na mang-aawit na huhubog at magiging inspirasyon ng tatlong Trenderas girls.
Mapapanood ang special 1-hour pilot premiere ng Trenderas tampok ang mga all-time favorite hits ng Eraserheads, Ogie Alcasid, Apo Hiking Society, Itchyworms, at Aegis ngayong Sabado (Setyembre 13), 9:00PM na susundan naman ng mga kapana-panabik na tagpo sa susunod na mga Sabado, 9:30-10:00pm sa TV5!
- Latest