Maraming sagad ang kasamaan, death penalty dapat na uling ipatupad!

Upset na upset ako sa balita tungkol sa 7-year old girl na pinagsamantalahan at pinatay sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsaksak.

Awang-awa ako sa bata na walang kamalay-malay at pinahirapan nang husto ng mga kapitbahay niya sa Pandacan, Manila. Mga kapitbahay na halang ang kaluluwa kaya nabuhay uli ang panawagan na ibalik ang death penalty.

Nawawalan na ako ng gana na manood ng mga news program kapag ganoong mga klase ng balita ang napapanood ko.

Dahil sa awa ko sa bata, payag na rin ako na ibalik ang death penalty para maparusahan ang mga kriminal na sagad hanggang buto ang kasamaan.

Buti na lang may mga CCTV at cell phone camera na mga kapulisan hindi na maaasahan

Nakakadismaya rin ang balita na mga pulis ang sangkot sa hulidap na nangyari sa EDSA noong nakalipas na linggo.

Paano pa pagtitiwalaan ang mga pulis ng mga tao kung sila mismo ang mga utak ng krimen?

Isipin n’yo na lang kung hindi nakunan ng litrato at inilagay sa social media ang pangyayari? Tiyak na nasa laya pa ang mga pulis na sangkot sa hulidap at marami pa sila na magiging biktima.

Nakakairita ang panawagan na maging vigilant o mapagmasid tayo para maiwasan ang mga ganoong krimen. Ang mga pulis ang dapat na nagbibigay sa atin ng proteksyon pero iba ang nangyayari. Kung hindi magiging alerto ang mga tao, nanganganib na sila ang maging biktima ng mga pulis na sangkot sa mga krimen.

Mabuti na lang, nauso ang mga cell phone camera at CCTV. Nakakalokang isipin na nakadepende sa mga cell phone camera at CCTV ang kaligtasan natin dahil hindi tayo nakasisiguro kung mapagkakatiwalaan ang mga pulis na ating lalapitan at hihingan ng tulong sa oras ng mga pangangailangan.

Haay, ano na nga ba ang nangyayari sa Pilipinas? Palala nang palala ang mga krimen na napapanood natin sa mga news program, nababasa sa mga diyar­yo at napapakinggan sa radio. Masakit man sabihin, may malaking problema talaga sa peace and order ang bansa natin!

Peace and order sa ating bansa malaki ang problema

Magkikita kami ni Congressman Lito Atienza dahil magkakaroon ng trade launch ang Maynila, ang weekly show niya sa GMA 7.

Sure ako na hindi ko mapipigilan ang sarili ko na sabihin kay Papa Lito ang sobrang disappointment ko sa peace and order situation sa ating paligid.

Knowing Papa Lito, baka pareho kami ng nararamdaman dahil talamak na talaga ang kasamaan ng mga kriminal. Tatanungin ko ang opinyon ni Papa Lito tungkol sa mga nagaganap na krimen at ang solusyon na ginagawa ng mga kinauukulan, kung meron man.

Bagong dyowa ni AiAi hindi ma-epal

Hindi idine-deny ni AiAi Delas Alas na may bagong boyfriend siya .

‘Yun nga lang, hindi pa ready si AiAi na i-share sa public ang mga impormasyon tungkol sa mhin na nagpapasaya sa kanya sa kasalukuyan.

May nagsabi sa akin na kasama ni AiAi ang mhin sa gala premiere noon ng Ronda sa CCP Main Theater. Hindi raw mapapansin ang mhin dahil tahimik ito at low profile lang. Hindi siya kagaya ng ex-husband ni AiAi na grabe ang PR at kilala ang lahat ng mga reporter dahil sa kanyang pagnanais na maging artista.

Malayung-malayo raw sa ex-dyowa ni AiAi ang ugali ng bagong boyfriend nito na itatago natin sa name na…Ay, nakiusap nga pala si AiAi na ibalato sa kanya ang mga impormasyon tungkol sa mystery dyowa niya.

Show comments