Pinasikat na aktres ng isang network gustong sumubok sa iba

Nagparamdam ang isang aktres na gustong lumipat sa kalabang network at tsika sa amin, interesado ang network na kunin ang aktres dahil bukod sa magaling, marami ang fans. Ang gusto lang ng network na lilipatan ng aktres maayos ang pag-alis niya sa network niya ngayon para hindi sila maakusahang nanulot ng talent.

Nakakagulat ang balitang ito na gustong kumawala ng magaling na aktres sa network niya ngayon dahil inaalagaan naman siya at magagandang project ang ibinibigay sa kanya. Saka, homegrown talent siya ng network at never siyang nagka-isyu sa istasyon.

Mababaw din ang rason kung bakit gusto ng aktres na lumipat ng network at ito’y dahil hindi siya happy sa next project na ibibigay sa kanya kapag natapos na ang pinagbibidahang teleserye.

Hindi rin talent fee ang magiging rason dahil for sure, mataas ang TF na ibinibigay ng home network ng aktres. Ano nga kaya ang rason at gusto ng aktres na umalis sa network na nagpasikat sa kanya at lumipat sa network na hindi siya sigurado sa magiging lagay ng kanyang career?

Anak ni Angelu mami-miss ang kalabaw

Nalulungkot din si Angelu de Leon sa nalalapit na pagtatapos ng Niño dahil napamahal sa kanya ang teleserye, ang role niya bilang si Leny at ang co-stars niya. Pamilya ang turing niya sa mga kasama.

Sigurado si Angelu na magkakaiyakan sa last ta­ping day nila sa September 10 dahil mami-miss nila ang isa’t isa.

Isa pang mami-miss ni Angelu ay ang bonding nila ng bunso niyang si Rafa na dinadala niya sa taping. Enjoy daw ang anak ‘pag nasa Laguna na sila at nakakakita nang wala sa siyudad gaya ng kalabaw.

May nakakatuwang kuwento si Angelu sa anak sa taping sa Laguna. Nagulat na lang siya habang nagti-taping nang  magsigawan ang staff at sinasaway si Rafa. Iyon pala nakakita ito ng tuyong dumi ng kalabaw, dinampot at dala-dala habang naglalakad. Naguluhan daw ang bagets kung bakit nagsigawan ang mga tao at pinabibitiwan sa kanya ang dalang natuyong dumi ng kalabaw.

Kakaibang Ibong Adarna ipalalabas na

Pagkatapos mapanood ang Ibong Adarna, The Pinoy Adventure, nagtataka kami kung bakit hindi napasama ang pelikula sa 2013 Metro Manila Film Festival (MMFF). Maganda ang buong pelikula sa direction ni Jun Urbano, bagay sa kanilang role ang mga artista at in-update kaya pati mga bata magugustuhan ito.

Ginamitan ng CGI o Computer Generated Imagery ang Ibong Adarna, maganda ang leksyon na ituturo sa mga bata at may comic relief. Pero tanggap ni direk Jun ang sinabi ng mga taga-MMFF na kailangan niya ng malaking artista para makasali sa MMFF ang pelikula.

Ang October 1 play date ang nahanap ni direk Jun at producers ng Gurion Entertainment at dahil walang network na sumusuporta sa kanila, nanawagan na lang ang director na tulungan silang ibalita sa tao ang showing ng Ibong Adarna sa nabanggit na petsa.

Show comments