Ate Guy feeling U.P. graduate kahit grade 2 lang ang tinapos

Tumanggap ng Gawad Plaridel Award si Nora Aunor bilang pagkilala ng University of the Philippines para sa kanyang kontribusyon sa pelikula at telebisyon. Isang malaking karangalan daw ito para sa nag-iisang Superstar dahil siya ang pang-sampu sa nakatanggap ng pinakamataas na pagkilala.

“Isang malaking karangalan at hindi ko makakalimutan. Isa ito sa pinakaimportanteng nangyari sa buhay ko. Sa karangalan ng taga-U.P. ay parang nakatapos na din ako,” nakangiting pahayag ni Nora.

“Ang nararamdaman ko ngayon ay iba eh. Iba kapag U.P. ang nagbigay sa iyo ng karangalan. Hanggang Garde 2 lang ako pero pagtayo ko sa stage ng U.P. ay parang graduate na din ako ng Unibersidad ng Pilipinas,” dagdag pa ni Ate Guy.

Samantala, nakagawa na rin ng ilang independent films ang aktres at ngayon daw ay nagpaplano siya na muling mag-produce ng pelikula. “Balak kong mag-produce ulit ng pelikula at magkaroon ng sariling indie production, pero tapusin ko po muna ‘yung mga naiwan kong pelikula. Sana hindi matapos ang taon ay makapag-produce na,” pagbabahagi ng Superstar.

“Kasi kapag nakagawa ka ng pelikula na maganda at nagustuhan sa ibang bansa, nagbibigay ng karangalan sa Pilipinas, katulad ng Thy Womb at Hustisya, umiikot din sa buong mundo at dito din sa Pilipinas,” giit pa niya.

Maja nababaliw sa pagkanta

Naging matagumpay ang kauna-unahang concert ni Maja Salvador noong July. Para sa aktres ay ang pagkanta na raw ang kanyang bagong kinahihiligan ngayon. “Mas na-excite pa ako na sana may mga bagong songs pa na ibigay sa akin. Or ako naman ‘yung magsulat kung ipo-produce ako ulit. Nai-in love na ako, ito na ‘yung bago kong kinaiinlaban, the music industry,” bungad ni Maja.

“Kasi hindi ko in-expect na tatanggapin nga nila ako at mapupunta ako dito sa mundong ito. Para akong bata na nae-excite sa mga bago kong matututunan. ‘Yung hunger ko sa pagiging singer lumalabas talaga kasi ‘yung improvement din sa pagkanta. Marami pa akong kailangang pag-aralan,” paliwanag ng aktres.

Baguhan pa lamang si Maja sa pagkanta kaya inaasahan niya at tanggap din niya na maraming babatikos sa kanyang bagong ginagawa dahil hindi naman talaga siya singer. “Kung merong mga bad comments or negative opinions, gawin mong positive lang ‘yun. I-apply mo sa sarili mo para mag-improve ka pa. Mas pagbutihan mo kung ano man ‘yung sinasabi nila. From the start naman always positive and believe lang na hindi man tatanggapin ng lahat, mas marami naman diyan ‘yung tatanggapin at mamahalin ‘yung ginagawa mo,” giit ng dalaga.

Kahit walang ginagawang teleserye ngayon si Maja ay abala naman daw siya sa pag-iikot sa buong bansa para sa kanyang album tour. “Parang after The Legal Wife may pahinga naman. Naging busy din ako sa album tour, parang iniikot namin nationwide, out of town talaga. May mga shows out of the country din,” pagbabahagi ni Maja. Reports from JAMES C. CANTOS    

Show comments