Hindi ngayong 2014 kundi sa susunod na taon magaganap ang pinakaaabangang kasalan nina Senador Chiz Escudero at ng artistang si Heart Evangelista. Bagaman at ang marriage proposal ng mabunying senador sa kanyang nobya kamakailan, habang nasa bakasyon ang dalawa sa Sorsogon kasama ang ilang mga kaibigan nila tulad nina Lovi Poe at ang boyfriend nito na si Rocco Nacino, Alessandra de Rossi, at iba pang malalapit na kaibigan, hindi maaring ngayon na agad ang kasalan. Ibinigay na dahilan ni Senador Chiz ang maraming mahahalagang bagay na inaasikaso pa niya at nangangailangan ng kanyang atensyon bago siya malibre at maibigay ang lahat ng kanyang panahon sa mahalagang okasyon sa buhay nila ng aktres.
Hindi binili sa alinmang tindahan ng alahas ang singsing na ibinigay ng senador sa kanyang nobya. Isang heirloom o singsing na matagal nang nasa pamilya ang tinanggap ng aktres mula sa kanyang mapapangasawa kasabay ng marriage proposal nito.
Ngayon siguro ay wala nang mang-iinggit pa kay Heart na napag-iiwanan siya ng mga kapwa niya celebrity na tumanggap ng bonggang marriage proposal mula sa kanilang mga nobyo.
ALS awareness mabilis kumalat, mga sikat nagpapabuhos ng tubig na may yelo
Nagkahawa-hawa na at naging uso na sa mga kilalang tao ang pumapayag na tumanggap ng ice bucket challenge para mapalaganap ang awareness tungkol sa isang uri ng sakit. Ito ang ALS na tumatama sa ating nervous system at wala pang nahahanap na lunas na nadidiskubre magpasa-hanggang ngayon. Ang pagbubuhos ng tubig na malamig na may kasamang yelo ay sumisimbolo sa panginginig na nararamdaman ng nagtataglay ng sakit na ALS.
Mukhang mas mapapabilis ang awareness ng tao sa nakakatakot na sakit lalo na’t mga sikat na tao ang nakikitang tumatanggap ng challenge sa pagpayag na mabuhusan sila ng yelo at tubig na malamig. Bagaman at kapag pumayag ang sinuman na gumawa ng ice bucket challenge ay hindi na sila dapat magbigay pa ng cash donation, lahat nang nakita natin at napanood na nagbasa ay nagbigay pa ng donasyon na ang pinakamababa ay $100 o ang katumbas nito sa apat na libong piso. Ilan sa tumanggap ng challenge ay ang mga news anchor ng ABS-CBN na sina Noli de Castro, Korina Sanchez, Karen Davila, Anthony Taberna, Doris Bigornia, Mario Dumaual, Pinky Webb, at ang mga artistang sina Vice Ganda, Kris Aquino, Anne Curtis, Billy Crawford, at Coleen Garcia, James Reid, Nadine Lustre, direktor Bobet Vidanes, Aga Muhach, Apl.de.Ap, maging ang manunulat sa TV na si Darla Sauler, at marami pang iba.
Umangat na, Alden dala-dalawa ang leading ladies
Wala talagang tigil ang pagdating ng swerte kay Alden Richards. Matapos ang matagumpay nilang pagpapareha ni Marian Rivera sa teleseryeng Carmela ay co-host naman siya ni Regine Velasquez-Alcasid sa isang talent search na isasagawa ng GMA 7. Kasalukuyan pang nagbibigay ng audition ang Kapuso Network sa mga probinsya na paminsan-misan ay dinadaluhan ng batang aktor.
Ngayon naman ay napili siya ng network para paganapin sa role na Jose Rizal sa isang bayani-serye na magtatampok sa biyahe sa Europa ng ating Pambansang Bayani na pinamagatang Ilustrado. Dala-dalawa ang leading ladies niya, sina Kylie Padilla na gaganap bilang Leonor Rivera at Solenn Heussaff bilang Josephine Bracken.