Boxing fans bilib na bilib pa rin sa galing ni Pacman

Pinagkaguluhan kahapon sa Venetian Macau si Congressman Manny Pacquiao nang dumating siya para sa media tour ng November 22 fight nila ng American boxer na si Chris Algieri.

Kasama ni Papa Manny sa global media tour ang Top Rank promoter na si Bob Arum. Siyempre, si Papa Manny ang pinapaboran na manalo sa laban nila ni Algieri. Bilib pa rin ang boxing fans sa kakayahan ni Papa Manny sa boxing.

Ang Cotai Arena ng Venetian Macau ang venue ng laban nina Papa Manny at Chris sa November 22.

Nathalie Hart ‘napagkakamalang’ si Princess Snell

Natawa ako sa mga reaksyon ng madlang-bayan sa litrato ni Nathalie Hart. Ang sey ng mga tao, kahawig na kahawig ni Nathalie ang former Starstruck Avenger na si Princess Snell.

Isa lang ang masasabi ko, totoo na magkamukhang-magkamukha sina Nathalie at Princess dahil iisang tao lamang sila. Ang Nathalie Hart ang bagong screen name ni Princess na nagpalit ng name para magbago rin ang takbo ng kanyang career.                        

‘Maraming epal na gaya-gaya sa ice bucket’ - Joey de Leon

Very true ang statement ni Papa Joey de Leon tungkol sa mga artista na nakikiuso sa Ice Bucket Challenge. Agree ako sa sinabi niya na epal ang mga gaya-gaya sa challenge na popular ngayon sa mga sikat na personalidad sa Amerika.

“Maraming epal na gaya-gaya sa Ice Bucket Challenge. Kaso, puro lang NOMINATE...wala namang DONATE! Tumigil nga kayo!” ang walang bahid ng kaplastikan na opinyon ni Papa Joey. I’m sure, maraming Pinoy stars ang guilty at tinamaan ng patutsada niya. Nagpapakatotoo lang si Papa Joey. Batu-bato sa langit, guilty ang magalit!.                       

P-noy mahilig sa shabu-shabu

Madalas na nakikitang kumakain sa isang shabu-shabu restaurant sa isang mall sa Maynila si P-Noy. Mabibigo ang mga stalker ni P-Noy na malaman kung sino ang kanyang special someone dahil ang PSG ang mga kasama niya sa restaurant na hindi ko babanggitin ang name, for security reasons.

Favorite restaurant din ni P-Noy ang isang Japanese restaurant sa Pasig City. Nabubulabog ang mga kostumer kapag nakikita nila ang pangulo dahil hindi nila inaasahan ang pagdating niya.

Ogie abala sa throwback

Hindi sumipot kahapon si Ogie Alcasid sa presscon ng OPM dahil nag-rehearse siya para sa Throwback Thursday, ang birthday concert niya sa Music Museum sa August 28.

Hindi naman na-miss ni Ogie ang OPM presscon dahil updated siya sa mga kaganapan. Ipinarating sa kanya ng OPM staff ang mga nangyari sa presscon. Hinihiling ng mga official at members ng OPM kay P-Noy na maglabas ng executive order para magkaroon ng Linggo ng Musika.

Kung pagbibigyan ni P-Noy ang request ng OPM, tiyak na ang pagkakaroon ng Linggo ng Musika sa susunod na taon. Ang July o September ang naiisip ng OPM na perfect month para ipagdiwang ang Linggo ng Musika.

 

Show comments