Hindi lamang si Gina Pareño kundi maging ang kanyang anak na si Raquel ay inanunsyo ng GMA na mapapanood sa episode ngayong gabi ng Magpakailanman hosted by Mel Tiangco.
Ang paglabas nito sa isang programa ng GMA ay hudyat ba nang kanyang paglipat sa network na alam ng lahat na nagsimula nang kumontrata ng mga beteranong artista? At hindi naman mapasusubalian na isa sa pinaka-magagaling na beteranong artista ng bansa si Gina na sa ABS-CBN na yata nagkatahid!
Isang impormante ang nagbigay sa akin ng impormasyon na natapos na ang kontrata ni Gina sa ABS-CBN. Freelancer ito sa kasalukuyan kaya pwedeng lumabas sa alinman sa mga TV network tulad ng GMA, TV 5, at iba pa. Maganda ang role na inalok sa kanya ng Kapuso Network and since makakasama niya ang anak niya sa trabaho, nagpasya siyang subukang magtrabaho sa tinatayang pinakamortal na kalaban ng dati niyang kinabibilangan na network. Wish lang ng mga tagasubaybay niya na panatilihin niya ang kanyang pagiging freelancer at huwag tuluyang iwan ang ABS-CBN dahil marami rin itong magagandang proyekto na maari niyang samahan.
Cristina gusto na uling mag-showbiz
Hindi naman pala nawala kay Councilor Cristina Gonzales Romualdez ang pagkakataon na tumanggap ng role sa pelikula at maging sa TV. Binibigyan siya ng kalayaan ng kanyang mister na mayor naman ng Tacloban City na si Alfred Romualdez na sundin ang kalooban niya pagdating sa showbiz na dati siyang itinuturing na reyna. Pero ang dating sexy star ang hindi makapagdesisyon. Syempre, bilang asawa ng isang mayor at bilang isa rin konsehal sa kanilang lugar kailangan nga namang hindi basta-basta role ang tanggapin niya.
Dapat din niyang isaalang-alang ang pagiging Ambassador niya ng Habitat for Humanity at ang effort na kinakailangan niyang ipatupad para sa recovery ng kanilang probinsiya at ng mga naka-survive sa bagyong Yolanda. Meron siyang livelihood program para sa mga babae at kabataan sa pamamagitan ng kanyang Cristina’s Learn and Earn Program (CLEP). Pinangungunahan din niya ang pagtatayo ng mga shelter sa mga hindi pa napapagawan ng bahay.
Makaraan ang 10 buwan matapos silang biktimahin ni Yolanda ay unti-unti nang tumatayo ang Tacloban. Marami nang negosyo ang tumatayo rito at nagsimula nang magkaron ng trabaho para sa nakakarami. Ito ang inaasahan lalo na ni Mayor Alfred na huwag mahinto at magpatuloy dahil sa pagkakaroon ng trabaho ng kanyang mga nasasakupan nakasalalay ang tuluyang pagbangon ng kanilang probinsya at mga kababayan.
May dalawang magagandang anak na babae sina Mayor Alfred at Councilor Cristina, pero kahit may inclination ang mga ito sa showbiz, lubhang napaka-mahiyain nila para pasukin ang mundo na minsan nang pinagreynahan ng kanilang ina. May anak sa kanyang previous marriage si Mayor Alfred, pero hindi na niya ito pinoproblema dahil nakakatayo na ito sa sarili niyang paa. Pero inamin niya na nababaitan siya sa girlfriend nito na isa ring artista, si Gwen Zamora.