Hunk actor nag-iilusyong sikat dahil sa nag-iisang commercial

Gumimik isang gabi ang isang hunk actor na nang magsabog ang langit ng pagkabilib sa sarili ay butas ang bubong ng kanyang tirahan kaya sobra-sobra ang kanyang nasambot.

Nauna na sa bar ang kanyang mga kaibigan, naghihintay na sa kanya, pero bago siya pumasok ay kinausap muna ng mga katropa ng hunk actor ang mga bouncer ng bar.

Sabi ng isang kaibigan ng hunk actor, “Pare, kanina pa pala ang friend namin sa parking lot, ayaw lang niyang bumaba, natatakot kasi siyang ma-mob. Baka raw pagkaguluhan siya, kaya alalay na lang pagpasok niya, ha?”

Tumango naman ang maskuladong lalaki, sabay tanong, “Sino ba ang darating?” Sinabi ng kaibigan ng hunk actor ang pangalan niya, napatulala ang bouncer, ganu’n?

Parating na ang hunk actor, naka-ready na ang mga kaibigan niya sa pagkordon sa kanya, nawiwindang man ang bouncer ay naki-ready-ready na rin ito.

Pero wala namang pumansin sa hunk actor, ni wala ngang tumawag sa pangalan niya, nakarating siya sa puwesto ng mga kaibigan niya nang walang kaaba-abala dahil wala ngang nakakilala sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Napaka-feeling talaga ng hunk actor na ‘yun, ilusyunado! Ang feeling kasi niya, e, pagkakaguluhan siya du’n sa venue, porke meron siyang commercial na ipinalalabas ngayon!

“Kahit saan siya magpunta, ganu’n ang drama niya, natatakot siyang lumabas sa car niya dahil baka pagkaguluhan siya! E, in fairness, kahit minsan naman, e, hindi siya pinagkaguluhan!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Dahil sa sobrang bilib ng hunk actor sa kanyang sarili at dahil sa pagiging feelinggacious (read: ilusyunado) niya, ang tanging naikomento na lang ng aming impormante, “Lagyan ng X ang pangalan niya!”

Ubos!

Sharon hindi na raw kinilala ang dating mga katrabaho

Binawi na ni Sharon Cuneta ang pagkahaba-haba niyang litanya nu’ng isang araw sa kanyang FB account. Nilinaw niya na ang mga ikinuwento niya ay nangyari nu’ng atakihin siya ng mid-life crisis. Nu’ng umakyat daw siya sa edad na kuwarenta ‘yun nangyari. Hindi ngayon.

Ang insekuridad, sabi niya, ay hindi na niya nara­ramdaman ngayon. Maayos na siya, okey na ang kanyang pakiramdam, ang naiiwan na lang sa mahaba niyang litanya ay ang kanyang pag-amin sa pagpapabaya sa kanyang sarili kaya tumaba siya nang husto.

Nu’ng ilabas ni Sharon ang kanyang litanya sa FB ay nang-agaw ng atensiyon ng marami ang ipinost na komento ni Ronald Carballo, isang kasamahan sa panulat na nagdidirek na ngayon, mahabang panahon ang ginugol ni Ronald sa piling ni Sharon bilang publisista ng Megastar.

Ayon kay Ronald, sana raw ay matuto ring bumalik sa nakaraan si Sharon, humingi rin daw sana siya ng tawad sa mga taong matagal niyang nakasama sa pag-akyat sa tagumpay na ngayon ay ni hindi na niya naaalala at ni hindi man lang makumusta kung buhay pa ba sila o wala na.

Taong 2004 nang hindi na nakipagkomunikasyon si Sharon kay Ronald, nang pumanaw ang ama nito ay pinuntahan pa raw siya ng manunulat sa kanyang dressing room sa ABS-CBN, pero hindi niya ito nilabas.

Nakapanghihinayang na samahan dahil naging saksi kami kung paano ipaglaban ni Ronald nu’n ang aktres, para ngang dinisenyo lang ang mga kolum nito para kay Sharon, pero ang pundasyon ng kanilang pagkakaibigan ay biglang umasim.

Napakahalaga ng tulay ng komunikasyon sa mga ganitong klase ng senaryo. Ang pag-uusap nang personal ay siguradong magbibigay ng resolusyon sa problema.

Sana nga’y pareho silang magkaroon ng panahong makapagkita para sa kanilang pagbabalik-tanaw sa isang napakagandang nakaraan.

Show comments