Jukebox Queens nag-SRO ang concert

Sana naman magkaro’n agad ng repeat ang The Jukebox Queens concert na napanood ko nung Miyerkules ng gabi sa Midas Hotel Casino. Naramdaman ko kasi na bitin ang SRO audience na sumaksi sa unang pagkakataon na magkasama sa isang palabas ang mga icons na sumikat nung dekada 70 hanggang sa kasalukuyang panahon. Sila ang nga jukebox queens and divas na sina Eva Eugenio, Claire dela Fuente, at Imelda Papin. Wala silang guests, pero nagawa ng tatlo na pasayahin ang maraming sumaksi hindi lamang sa pagkanta nila ng kanilang pinakamalalaking hits kundi maging ng mga kanta na pinasikat ng mga katulad nilang manganganta, foreigner man o lokal.

Bagaman at matagumpay din ang tatlo sa mundo na kanilang ginagalawan ngayon, patuloy sila sa kanilang pagkanta. Si Imelda Papin ay patuloy pa ring gumagawa ng mga matatagumpay na konsyerto sa U.S. lalo na sa Las Vegas.  Malaking tulong din siya sa mga nangangailangan ng dialysis treatment. Dito sa atin, ilang government hospital na rin ang binigyan niya ng mga dialysis machine at magpapatuloy pa ito hanggang kuma­kanta siya.

Si Claire dela Fuente ay isa nang matagumpay na negosyante. Marami siyang mga bus na tumatakbo sa mga lan­sangan sa Kamaynilaan at may pinatatakbo rin siyang isang restaurant sa Macapagal Avenue. Bagaman at hindi na siya masyadong tumatanggap ng mga shows, gumagawa pa rin ito ng album at dumidiskubre ng mga talent.

Si Eva Eugenio ang pabalik-balik ng bansa. Tumatanggap pa rin ito ng mga singing engagements. Sa kanilang concert na tatlo, siya ang nagpamalas ng kakayahang magpatawa ng manonood.

Enchong at Pokwang gagawin ang lahat maitawid lang ang pamilya

Sina Enchong Dee at Pokwang ang bibida sa panibagong episode ng MMK bukas ng gabi sa ABS-CBN. Bibigyang-buhay nina Pokwang at Enchong ang mga karakter ng mag-inang Lui at Paul na kapwa kinailangang gawin ang lahat upang suportahan ang kanilang pamilya matapos dapuan ng malubhang sakit ang kanilang haligi ng tahanan na si Eddie (Robert Seña).

Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Garry Fernando at panulat nina Mark Duane Angos at Arah Jell Badayos.

Sharon walang natutuhan sa Biggest Loser?

Sayang naman na naging original host si Sharon Cuneta ng Biggest Loser kung hindi siya matuto man lamang ng kahit isang leksyon kung paano makabawas ng timbang. Balitang nadi-depress ang Megastar dahil sa sobra niyang katabaan, pero ang dali lamang nitong maremedyuhan kung talagang gugustuhin niya. Wala rin siyang kakailanganing ibang tao kundi ang sarili lamang niya. ‘Yun nga lamang talaga iiwas na siya sa pagkain. Kakayanin naman niya ito kung talagang gusto niyang mabalikan ang trabahong mahal na mahal niya.

Show comments