MANILA, Philippines - Gustung-gusto nang magkaanak uli ng aktor na ito at biro nito, lahat na ng paraan, ginawa na nila ng kanyang misis na nasa showbiz din para madagdagan ang anak nila. Nang may mag-suggest na bakit hindi sila mag-adopt muna dahil may mga instances na kung kailan nag-a-adopt ang isang mag-asawa, saka nagbubuntis ang babae.
Pero ayaw palang mag-adopt ng aktor dahil gusto’y sariling dugo ang bata na mamahalin at palalakihin nilang mag-asawa. Siguro naman nagbibiro lang ito dahil nakangiti nang sabihing dapat nagloko siya noong binata pa siya para nagkaanak siya sa ibang babae.
Hirit pa nito, kung may lalabas daw na babae ngayon at sasabihing nabuntis niya at may anak sila, tatanggapin niya, pero kailangang ipa-DNA muna ang baby. Naniniwala itong tatanggapin ng kanyang misis sakaling may lumabas na anak niya dahil mabait ang misis niya at alam na matagal na niyang gustong muling magkaroon ng baby sa bahay nila.
Tom napisil namang host ng game show
Nabasa namin ang post ni Tom Rodriguez sa Instagram (IG) na “Big blessing thank you!” Akala namin, bagong pelikula ang tinutukoy ni Tom, pero nang makita siya ng isang source namin na nagsu-shoot ng plug para sa GMA 7, naisip namin na bagong show ang blessing na ipinagpasalamat ng aktor.
Tama ang hinala namin dahil may bagong show palang talaga si Tom at sa bago niyang show, hindi siya aarte, kundi magho-host. Siya ang napili ng management na mag-host sa bagong game show na Don’t Lose the Money.
Next week na raw ang first taping day ni Tom at sometime in September ang airing. Hindi magkakaroon ng conflict ang game show sa My Destiny dahil usually, ang game show ay once a week lang.
Hindi puwedeng magtagal sa ibang bansa sina Tom at Carla dahil tuluy-tuloy ang taping nila ng My Destiny . Si Miguel naman ay nagti-taping ng Niño at si Julie Anne nama’y may Marian.
Ogie manggugulat sa kanyang Throwback
Bukod kina Roderick Paulate at Jojo Alejar na parehong sasayaw, wala pa ring pinapangalanan si Ogie Alcasid kung sino ang guests sa kanyang Throwback Thursday birthday concert sa Music Museum sa August 28. Sorpresa pa rin ang guests ni Ogie.
Dalawa sa kinausap ni Ogie para mag-guest - ang mga kaibigan niyang sina Janno Gibbs at Manilyn Reynes. Si Janno ang unang tinawagan ni Ogie at nabanggit nitong kakausapin niya si Manilyn. Nagkataong nasa taping ng My BFF si Janno that time at katabi si Manilyn, kaya ipinasa rito ang phone.
Nang makausap namin, hindi pa umoo si Janno kay Ogie, si Manilyn naman, may taping ng Pepito Manaloto sa petsa ng concert, magpapaalam siya kay director Bert de Leon at wish nitong makapag-guest siya.
Sa kuwento pa lang ni Ogie, mukhang masaya ang concert at favorite songs noong 80’s ang isasama niya sa repertoire.