MANILA, Philippines - Nagsimula nang mapanood kahapon, Lunes (Aug 18) ang kwento ng magkapatid na Ana at Manuela sa Ana Manuela.
Ito ang kauna-unahang Brazilian serye na ipapalabas sa bansa bunsod ng pinagsanib na pwersa ng ABS-CBN at kilalang broadcast group sa Brazil na TV Globo. Umani na rin ito ng iba’t ibang parangal at napanood na sa North at South America, Europe, at Asya.
Tunghayan kung paano susubukin ng pagkakataon ang pagiging magkapatid ni Ana at ni Manuela. Si Ana ay isang sikat at iniidolong tennis player na pansamantalang iiwan ang kanyang karera nang mabuntis siya ng nobyong si Rodrigo.
Hahamakin ni Ana ang lahat para sa pag-ibig ngunit hindi inaasahan na maaksidente ito ay hindi magigising ng maraming taon.
Sa kanyang pagmulat, lahat ng sa kanya ay kinuha na ng sariling kapatid na si Manuela. Kasama rito ang anak niyang si Julia at pinakamamahal na si Rodrigo. Paano niya babawiin ang lahat kay Manuela? Kaya niya bang kalabanin ang sariling kadugo?
Samantala, nag-umpisa na rin ang tambalan ng Korea’s sweetheart at Kpop star na si IU at tinaguriang Asian Prince na si Jang Geun Suk sa Pretty Man.
Sundan ang kwento ni Marty, isang nakapagwapong lalaking kinahuhumalingan ng mga kababaihan. Ngunit sa kabila ng magandang mukha ikinukubli ang kakulangang nadarama dahil sa hindi pagkakakilanlan sa kanyang tunay na ama.
Sa kanyang kalungkutan ay biglang susulpot si Bettina, isang masayahing babae na patay na patay sa kanya. Makuha niya kaya ang puso ni Marty?
Ang Ana Manuela ay napapanood pagkatapos ng It’s Showtime, at Pretty Man pagkatapos ng Bistado sa ABS-CBN.