Nakaaaliw ang kuwentong nakarating sa amin tungkol sa isang maganda at makinis na female TV host. Ang lahat ng mga artista ay may kakuwanan sa buhay, meron silang sumpong, meron silang kaartehan.
Hindi raw naman maarte ang babaeng personalidad, masarap siyang katrabaho, bukod pa sa may pagka-generous. Nagdadala siya palagi ng pagkain sa set, marami siyang ibinabaon, hindi siya makasarili.
“Siya na ang nagme-make-up sa sarili niya. Marunong siya, alam niya ang application ng mga shades, magaling na siyang mag-make-up,” simulang impormasyon ng aming source.
Sa pananamit ay magaling din siyang pumili. Maganda ang kilatis ng mga mata niya sa kulay, tabas at kung ano ang nararapat isuot sa anumang okasyon.
Lalo naman sa sapatos, mahusay siyang magterno sa damit niya, maliit pa naman ang kanyang mga paa kaya magandang tingnan ‘yun. Sa kabuuan ay hindi kailangan ng stylist ng female TV host, may alam siya, kaya siya na ang nag-aalaga sa sarili niya.
Sa isang aspeto lang lumulutang ang kaartehan ng babaeng personalidad, sa kanyang buhok, masyado siyang metikuloso at sensitibo pagdating na sa mahaba niyang hair.
“Nagpapa-blower siya, pero kailangang siya ang masunod sa ayos na gusto niya. Naiirita siya kapag nahihila ang buhok niya, sensitive kasi ang anit niya.
“Kapag inayos na ni ____(pangalan ng female TV host) ang buhok niya, ‘yun na ‘yun, wala nang kahit sino pang makagagalaw nu’n. Wala siyang pinagkakatiwalaan sa hair niya, siya lang talaga!” patuloy na kuwento ng aming source.
At sa kanyang huling hirit na may kasama nang clue, heto ang komento ng aming impormante, “Pakialaman mo na sa kanya ang lahat, huwag lang ang hair niya, mag-aaway kayo. Baka batuhin ka niya ng isang bote ng kimchi!”
Apo ni Kuya Germs nagbigay karangalan sa ‘Pinas
Pinakamaligayang lolo siguro ngayon si Kuya Germs. Sinong lolo ba naman ang hindi magiging maligaya sa napakalaking karangalang inabot ng kanyang apo sa larangan ng palakasan?
Ang kanyang apo, si Luis Gabriel Moreno, ay isa sa mga batang atletang Pilipino na ipinadala sa Nanjing, China para sa Summer Youth Olympic Games 2014.
Siguradong maligaya rin ngayon ang mga magulang ni Luis Gabriel na sina Federico at Shiela, sa dinami-rami nga naman ng mga kabataang gustong makipaglaban sa China ay ang kanilang anak ang unang napili para sa larong archery.
Nu’ng panoorin namin sa TV5 ang pagbubukas ng olimpiyada para sa mga kabataan ay kinilabutan kami habang tinititigan ang may hawak ng ating bandila.
Si Luis Gabriel Moreno ang nagwawagayway ng bandera ng Pilipinas bilang unang atletang nag-qualify sa archery. Siguradong napapaluha ang kayang lolo sa pagkakataong ‘yun.
Barometro namin bilang manunulat si Federico, nasubaybayan namin ang kanyang paglaki, ganu’n na pala kami katagal ngayon sa mundo ng lokal na aliwan dahil may mga anak na si Federico.
Ang napangasawa ng anak ni Kuya Germs ay si Shiela na ate naman nina Vina Morales at Shaina Magdayao. Sila rin ang may-ari ng Ystilo Salon.
Maligayang bati kay Luis Gabriel Moreno, atletang Pilipino, apo ni German Moreno!