Sa sobrang kapraningan sa droga gwapo at magaling na actor steak ang tingin sa hotdog

Ang kapraningan ay kakambal ng pagdodroga. Walang nagdrogang hindi naaning-aning. Kabuntot ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang mga ilusyon at halusinasyon.

Konting kaluskos lang ay natatakot na ang gumagamit ng droga. May papatay raw sa kanila. May humahabol. May nagtatangka raw sa kanilang buhay.

Ganu’n mismo ang nangyayari nu’n sa isang aktor na nagpatangay sa imbitasyon ng droga. Napakagaling niyang umarte, palibhasa’y mula siya sa pamilya ng mga artista, bukod du’n ay guwapo pa siya at makarisma.

Dumarating siya nu’n sa set ng ginagawa niyang teleserye na kargadung-kargado. Marumi ang katawan, sapin-sapin ang kulaba ng mga mata, alam mong hindi siya nakakatulog.

Nag-agahan siya sa location, itlog at hotdog ang ulam ng produksiyon, pero ni hindi niya ‘yun mahiwa sa sobrang kasabugan. Napakalambot ng hotdog kung tutuusin pero dahil wala siya sa tamang huwisyo ay steak siguro ang tingin niya sa nakahain sa kanya.

Palaging sabog sa droga ang magaling na aktor, last sequence pa lang niya ang kinukunan ay nakaabang na ang mga katropa niyang adik din, pansamantala na naman silang magpapatianod sa bisyong patuloy na sumisira sa kanyang utak at katawan.

“Minsan nga, e, dumating siya puro putik ang buong katawan niya. Mabaho. Meron daw kasing humahabol sa kanya, pinagtangkaan daw siyang patayin.

“Sumenyas ang isang kasamahan niya, hindi raw totoo ‘yun, napapraning lang daw si ____(pa­ngalan ng guwapo at magaling na aktor) dahil kargado na naman,” kuwento ng aming source.

Hindi siya kinayang pagbaguhin nu’n ng nakarelasyon niyang aktres, pero pansamantala siyang nawala, sumailalim siya sa isang proseso ng gamutan sa isang siyudad sa Norte.

Aktibo na uli siya sa pag-arte ngayon at mukhang maayos na siya, may bago siyang girlfriend na artista rin at sana’y magtuluy-tuloy na ang kanyang pagbabago, sayang na sayang kasi ang kanyang talento.

Huwag na sana uli siyang sumisid sa malalim na dagat na bisyo ng pagdodroga.

Robin at Mariel panalo sa unang sultada ng Talentado

Panalo ang unang sultada ng Talentadong Pinoy 2014 na binigyan ng bagong bihis ng mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez. Sa opening production number pa lang ng nagbabalik na programa ng TV5 ay interesante nang panoorin ang mga nakaraang kampeon ng talent show.

Action star si Robin, magaling siya sa barilan at suntukan, pero may ilalabas talaga ang isang personalidad sa ibang larangan basta handa siyang mag-aral.

Du’n magaling ang kanyang misis na si Mariel, nagtatangkang kumanta ang maganda niyang misis pero ayaw naman ng kanta sa kanya, sa hosting talaga nakalinya si Mariel.

Kay Robin Padilla pa lang ay may maganda nang imbitasyon ang Talentadong Pinoy. Ngayon pa lang siya sumalang sa ganitong linya, kitang-kita ang respeto ni Binoe sa mga kalahok, palibhasa’y masang-masa ang action star.

Sa beking nag-perform na hindi pumasa sa panlasa ng mga hurado ay panay-panay ang panghihingi ng paumanhin ni Robin. May susunod pa nga namang pagkakataon, hindi pa ‘yun ang katapusan ng mundo, pagbibigay ng pag-asa ni Robin sa contestant na pinatigil sa pagpe-perform ng kanilang board of judges.

Tuwing Sabado nang gabi ay aabangan na namin ang Talentadong Pinoy. Buhay na buhay na naman ang entabladong dumidiskubre ng nakatagong talento ng ating mga kababayan.

 

Show comments