Nagkita kami ni Dindi Gallardo sa isang restaurant sa Quezon City noong Sabado, pagkatapos ng live telecast ng Startalk.
Kasama ni Dindi ang kanyang American husband na si Eric Mills na nakakaintindi at nakakapagsalita ng Tagalog.
Sumunod sa restaurant si Bambbi Fuentes na galing sa shooting ng pelikula nina Vic Sotto at Marian Rivera.
Best of friends sina Dindi at Bambbi dahil ito ang kanyang make-up artist noong active pa siya sa showbiz.
Totoo ang sinabi ni Bambbi kay Dindi, walang ipinagbago ang kanyang itsura at sa totoo lang, mas maganda siya ngayon kesa noon.
Ang kinis-kinis ng mukha ni Dindi na walang bahid ng wrinkles na resulta yata ng hilig niya sa organic food.
Ang sabi ni Dindi, back for good na siya sa Pilipinas habang magpapabalik-balik sa Amerika ang asawa niya na involved sa real estate business.
Sinabi ni Bambbi kay Dindi na magbalik-showbiz ito dahil sayang naman ang kanyang kagandahan kung hindi masisilayan ng madlang-bayan.
Actually, may offer na kay Dindi na TV guesting pero tumanggi siya dahil gusto niya na asikasuhin ang kanyang asawa habang nasa Pilipinas ito. Naka-schedule kasi sila na magbakasyon sa isang beach resort sa Batangas at lumipad sa Bangkok para bisitahin ang Thai friends ni Eric na matagal na nadestino sa Thailand noong binata pa siya. Marunong magsalita si Eric ng Thai language kaya no wonder na mabilis din siya na matuto sa pagsasalita ng Tagalog dahil sa kanyang Filipina wife.
Kahit magdadalawang dekada na nawala, Dindi kilala kahit ng mga bagets ngayon
More than 15-years na nawala sa Pilipinas si Dindi dahil pinili niya na manirahan at magtrabaho sa New York.
Nang bumalik sila ni Eric sa Pilipinas, nagugulat si Dindi dahil kilala siya ng mga bata na hindi pa yata ipinapanganak noong active pa siya sa showbiz. Takaw-pansin si Dindi kapag naglalakad dahil napakatangkad niya na babae. Talagang lumili-ngon ang lahat sa mga lugar na pinupuntahan nila ng kanyang asawa.
May explanation si Bambbi sa pagtataka ni Dindi. Paulit-ulit daw na ipinapalabas sa mga cable channel na PBO at Cinema One ang old movies ni Dindi kaya kilala siya ng mga tao.
Maraming pelikula na ginawa noon si Dindi sa Viva Films at isang movie sa Regal Films, ang Bala at Lipstick. Nagkasama rin sila ni Ruffa Gutierrez sa remake ng Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa.
Husband na Kano ni Dindi na si Eric walang arte sa katawan!
Gandang-ganda sa Metro Manila ang asawa ni Dindi. Hindi siya katulad ng ibang mga dayuhan na takot na pumunta sa Pilipinas dahil sa mga negative news na nababasa sa mga diyaryo at napapanood sa TV.
Paborito rin ni Eric ang mga Pinoy food. Pamilyar na pamilyar siya sa kare-kare, adobo, lumpia, at pansit.
Gusto sana ni Eric na kumain ng pansit pero hindi available sa restaurant na pinuntahan namin ang pansit bihon na hinahanap niya.
Hindi mahirap kasama ang mister ni Dindi dahil hindi ito pihikan sa pagkain. Kung ano ang nakahain, kinakain niya na parang sarap na sarap siya.
Mula nang bumalik sila sa Maynila, hindi nawawalan ng imbitasyon ang mag-asawa na mag-almusal, tanghalian, at hapunan sa iba’t-ibang restaurants. Napuntahan na yata nila ang halos lahat ng mga restaurant sa Makati City kaya tuwang-tuwa si Eric nang magawi sila sa mga restaurant sa Quezon City at Pasig City. Amerikano ang hitsura ng asawa ni Dindi pero Pinoy na Pinoy ang ugali niya.