MANILA, Philippines - Itatampok sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ang nakaaantig na life story ng kauna-unahang grand champion ng The Voice Kids Philippines na si Lyca Gairanod. Sa episode na eere ngayong Sabado (Agosto 16) ay gagampanan ng siyam na taong gulang na singing champ ang kanyang sarili.
Bilang paghahanda para sa kanyang unang pagganap sa TV, sumailalim si Lyca sa isang acting workshop na pinangunahan ng MMK director na si Nuel Naval at beteranang aktres na si Malou de Guzman.
Sumikat si Lyca sa mga manonood bilang isang munting batang may malaking pangarap na bumiyahe mula sa Tanza, Cavite, patungong Maynila upang magbakasali sa The Voice Kids. Si Lyca ay laki sa hirap bilang anak ng amang mangingisda., at minsan ay tinutulungan niya ang kanyang ina na mangalakal ng basura.