Mommy ng female personality ikinakandado ang imbakan ng mga pagkain

Pagdating sa katipiran ay walang mananalo sa mommy ng isang kilalang female personality. Kapag meron silang mga bisita ay sukat na sukat pati ang tubig na kailangang ibigay ng kanyang mga kasambahay sa mga dumadalaw sa kanilang bahay.

Natural, tasado ang pagkain ng kanilang mga maid-of-cotton, hiwalay ang pagkain nilang mag-iina sa kinakain ng kanilang mga kasambahay.

Kuwento ng aming source, “Pagkatapos nilang kumain, ipinapasok din sa personal ref niya sa kuwarto ang mga left-over nilang mag-iina, hindi puwedeng galawin ‘yun ng mga kasambahay nila.

“Kapag umaalis ang pamilya papuntang ibang bansa, nakasusi ang kuwarto niya, pati ang mga bedrooms ng mga anak niya, natatakot si mommy na baka mabawasan ang mga chocolates na nasa kuwarto niya.

“Minsang umalis sila at nag-extend ng vacation nila, naloka ang mga kasambahay, paano na ang mga bituka nilang kumakalam? Walang mensahe ang mommy ng singer-actress, may nakapagsabi lang sa mga maids na may one week extension pala ang kanilang bakasyon.

“Sa mga kapitbahay lang sila umasa, humihingi sila ng lafang, dahil mamamatay sila sa gutom kapag hindi sila umisip ng paraan. Ganu’n siya katindi, sa kanya nagmana ang anak niyang artista, wala ring pakialam ‘yun sa mga maid nila,” kuwento ng aming impormante.

Ang mga giveaways ng kanyang anak ay nakasusi rin, wala talaga silang tiwala sa kanilang mga kasambahay, nilalanggam na kuno ang mga biscuits at nagtatambukan na ang mga de-lata pero hindi pa rin ipinakakain sa kanila.

Kilalang-kilala sa pagiging makunat ang singer-actress, kapag dumara­ting ang Pasko ay lumilipad na silang mag-asawa papuntang ibang bansa, tumatakas sila sa pagbibigayan ng regalo na nakasanayan na sa showbiz.

Tunog-softdrinks ang pangalan ng singer-actress. Matagal na silang hiwalay ng kanyang mister.

AiAi matigas pa rin kay JED

Lumanding sa basurahan ang kasong R.A. 9262 na ihinain ng Comedy Concert Queen laban sa kanyang nakarelasyong si Jed Salang. Dismissed ang kaso.

Ang dahilan, ang kawalan ng interes ni Ai-Ai delas Alas, hindi siya dumadalo sa pagdinig ng kaso. Lack of interest, ‘yun ang pinakamalinaw na dahilan ng pagkakabasura ng asunto, kahit pa malaki ang laban ng Comedy Concert Queen na ipanalo ang laban.

Madaling intindihin kung bakit nagkaganu’n si Ai-Ai. Siguro’y ayaw na niyang makaharap pa ang lalaking minahal niya pero nanakit sa kanya nang emosyonal at pisikal.

Siguro’y gusto na niyang humakbang pasulong, dahil kung ang nakaraan nga lang naman ang magi­ging hadlang sa kagustuhan niyang maging masaya na, mas mabuting kalimutan niya na lang ‘yun.

Pabigla-bigla lang si Ai-Ai, pero maganda ang kanyang puso, ayaw niya ng kaaway at hindi siya mapakali kapag alam niyang meron siyang nasasaktan.

Dalawa-singko lang ang panghihi­ngi ng sorry para sa kanya, sa kabila ng kanyang estado bilang sikat na artista ay hindi siya maramot sa panghihingi ng paumanhin, ganu’n kaganda ang kanyang puso.

 ‘Yun ang pinagtatakahan ng marami ngayon kung bakit natatagalan ang hindi nila pagkakaunawaan ni Kris Aquino. Napakalalim nga siguro ng dahilan nu’n kaya matagal din bago lumambot ang puso ng komedyana.

Show comments