MANILA, Philippines - Hindi maitatangging successful ang Sandugo Festival ng Bohol noong July 27 dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay kasamang nagdiwang ng mga Bol-anon ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid at ang cast ng GMA primetime drama series na Niño.
Kahit pa naging maulan, hindi nagpa-awat ang mga Bol-anon—bata man o matanda—sa pagpila sa Bohol Wisdom School sa Tagbilaran City para makisaya sa Kapuso Fans’ Day ni Regine.
Umpisa pa lang, isang kwelang mood na ang pinasimulan ng Songbird impersonator na si Ate Redg at ng co-host niya sa nasabing event na si Yuri Deldig ng GMA Cebu.
Lalo namang nasabik ang audience nang magsimula nang magpakitang-gilas ang Kapuso dancing pro na si Julian Trono na may niyaya pang isang dalagitang Bol-anon para makasayaw niya sa stage.
Hinangaan din si Bianca Umali hindi lang dahil sa kanyang version ng Born This Way ni Lady Gaga kundi maging sa paggiling niya sa dance floor.
At sa tatlong GMA Artist Center talents, hindi nagpatalo si Miguel Tanfelix, o si Niño mismo, pagdating sa hiyawan dahil sa kanyang song and dance number. Naroon din ang Bol-anon director ng Niño na si Direk Maryo J. de los Reyes, na sumama pa sa group selfie nina Miguel, Bianca, at Julian.
Pero ang higit na inabangan ng lahat ay ang paglabas sa stage ng Songbird. Nasorpresa pa nga ang mga Bol-anon dahil ang Bet ng Bayan host, binati sila sa fluent at flawless na Bisaya. Hindi lahat ay nakaaalam na tumira ang pamilya ni Regine sa Leyte noong bata pa siya. Nakabibingi ang naging palakpakan at hiyawan ng mga manonood nang kantahin ni Regine ang madamdaming Bisayan love song na Usahay, na ayon sa Songbird ay kinakanta ng kaniyang ina sa kanilang magkakapatid noon.
Game na game rin si Regine na nakipagbiruan sa kanyang Bol-anon audience. At kahit na sumasabay sila sa pagkanta ni Regine, kapansin-pansin naman na inaabangan nila ang pagbirit ng Songbird.
“I really appreciate you guys coming here tonight. Alam n’yo, the resilience that you have is a blessing. It’s so inspiring to see you guys are here and moving on,” ani Regine na humanga sa tatag ng mga Bol-anon sa kabila ng sinapit nito matapos ang lindol noong 2013 at ilang bagyong pinagdaanan. “Alam n’yo po kung ano ang kahanga-hanga sa inyong lahat? Despite the tragedies you faced, you guys are still smiling,” dagdag pa niya.
Ang highlights ng pakikiisa ng GMA Network sa 2014 Sandugo Festival ay napanood sa Let’s Fiesta! TV Special noong August 10 sa siyam na regional stations ng GMA sa Ilocos, Bicol, Dagupan, Cebu, Iloilo, Bacolod, Davao, GenSan, at Cagayan de Oro.