Natatawa na lang sa kapusukan guwapong aktor naalala ang dating tisay na aktres na kinakaladkad ng ina ‘pag nagdi-date sila
Nagkita kami nu’ng isang araw ng isang guwapong aktor na ibang-iba na ang linyang tinatahak ngayon. Nasaksihan kasi namin ang pagmamahalan nila nu’n ng isang magandang tisay na aktres, kontra sa kanya ang ina nito, kaya kailangan pang tumakas ng babae para lang sila magkita at magkasarilinan.
Minsang inihatid niya ang babae nang disoras ng gabi ay nandu’n pala at nagtatago lang sa gate ng kanilang bahay ang ina ng aktres. Pinagmumura siya nito, puro malulutong na mura ang tinanggap ng aktor mula sa mommy ng kanyang girlfriend, pero hindi ‘yun ang nakapanakit sa guwapong aktor.
Hinila ng nanay ang kanyang anak sa buhok, kinaladkad nito ang mestisang aktres, kitang-kita ng mga usisero kung paano saktan ng ina ang kanyang dalagang anak sa kalye.
Kuwento ng aming source, “Sinadyang gawin ‘yun ng mommy ni ____(pangalan ng tisay na aktres) para ipakita kay ____(ang guwapong aktor na mula sa pamilya ng mga sikat na artista) na minsan pa uling tumakas ang anak niya, e, ipapahiya uli siya sa maraming tao.”
Hindi sila nagkatuluyan. Isang magandang aktres din ang napangasawa ng aktor, samantalang ang tisay na aktres ay nakapangasawa ng isang Fil-Am, pero itinuturing pa ring dakilang pag-ibig ng aktres ang guwapong aktor.
Tawa lang nang tawa ang aktor habang nagkukuwentuhan kami. Ang kapusukan ng mga kabataan, ang pag-iibigan na akala mo ‘yun na ang simula at wakas ng buhay, tinatawanan na lang ngayon ng medyo lumusog na aktor ang kanilang nakaraan.
Paborito pa rin kaya hanggang ngayon ng guwapong aktor ang donut? ‘Yun ang tawag niya nu’n sa aktres na tisay, hango sa pangalan nito na ganu’n din halos ang tunog at dating, dadagdagan mo na lang ‘yun ng pangalan ng isang bulaklak na pagkabangu-bango.
Bagong game show ni Goma paandar ang katahimikan
Talagang sinadya naming tutukan ang bagong game show ni Richard Gomez sa TV5, ang Quiet Please, hindi lang pala ang mismong audience sa studio ang mapapatahimik kundi pati ang nanonood.
Ang batas ng show ay bawal ang maingay, bawal ang lumikha ng tunog habang ginagawa ang laro, may metrong magsasabi kung malakas ang tunog ng kalahok na magiging dahilan ng kanyang pagkatalo.
Habang lumalaro ang contestant, pati ang nanonood ay mapapatahimik din, nakakatensiyon kasi ang ginagawa ng kalahok. Tawa kami nang tawa habang nanonood, kapag nagkakatinginan kasi kami ng mga kasama namin ay parang nagtatanungan din ang aming mga mata, bakit daw pati kaming lahat ay tumatahimik din?
Kani-kanyang diskarte sa unang sultada ng game show sina Mayor Joey Marquez, Anjo Yllana, Snooky Serna, Alice Dixson, Wendell Ramos, at Derek Ramsay.
Maparaan si Alice Dixson, halatado ring panlalaki ang gustong laro ng magandang aktres, kitang-kita rin ang kanyang disiplina sa paggalaw kaya marami siyang naitawid na laro.
Maganda ang show ni Goma, nakaka-tense, nakabibingi ang katahimikan kapag naglalaro na ang mga contestants. Kaya nga Quiet Please! Bawal Ang Maingay ang titulo nito.
Bilang host ay walang kupas si Richard Gomez, kayang-kaya niyang manehohin ang kabuuan ng programa, bukod pa sa mababaw din ang kanyang tawa na nakadaragdag ng brilyo ng kanyang show.
Ka-back-to-back ng Quiet Please… ang Who Wants To Be A Millionaire ni Vic Sotto na napaaga ang oras.
- Latest